1 Habang naglalakad si Jesus, may nakita siyang isang lalaki na ipinanganak na bulag.
2 Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya, “Guro, sino po ba ang nagkasala at ipinanganak siyang bulag? Siya po ba o ang mga magulang niya?”
3 Sumagot si Jesus, “Hindi siya ipinanganak na bulag dahil nagkasala siya o ang mga magulang niya. Nangyari iyon para maipakita ang kapangyarihan ng Dios sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanya.
4 Hindi baʼt nagtatrabaho ang tao sa araw dahil hindi na siya makakapagtrabaho sa gabi? Kaya dapat gawin na natin ang mga ipinapagawa ng Dios na nagpadala sa akin habang magagawa pa natin. Sapagkat darating ang araw na hindi na natin magagawa ang ipinapagawa niya.
5 Habang ako ay nasa mundong ito, ako ang ilaw na nagbibigay-liwanag sa mga tao.”
6 Pagkasabi niya nito, dumura siya sa lupa, gumawa ng putik mula sa dura at ipinahid niya sa mata ng bulag.
7 Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa paliguan ng Siloam at maghilamos ka roon.” (Ang ibig sabihin ng Siloam ay “Sinugo”.) Pumunta nga roon ang bulag at naghilamos. Nang bumalik siya ay nakakakita na siya.