7 Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa paliguan ng Siloam at maghilamos ka roon.” (Ang ibig sabihin ng Siloam ay “Sinugo”.) Pumunta nga roon ang bulag at naghilamos. Nang bumalik siya ay nakakakita na siya.
8 Dahil dito, nagtanungan ang mga kapitbahay niya at ang iba pang mga nakakita sa kanya noong namamalimos pa siya. Sinabi nila, “Hindi baʼt siya ang dating nakaupo at namamalimos?”
9 Sinabi ng iba, “Siya nga.” Pero sinabi naman ng iba, “Hindi, kamukha lang niya iyon.” Kaya ang lalaki na mismo ang nagsabi, “Ako nga iyon.”
10 “Paano kang nakakita?” tanong nila.
11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mga mata ko at sinabi, ‘Pumunta ka sa paliguan ng Siloam at maghilamos.’ Kaya pumunta ako roon at naghilamos, at pagkatapos ay nakakita na ako.”
12 Nagtanong ang mga tao, “Nasaan na siya?” Sumagot ang lalaki, “Hindi ko po alam.”
13 Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag.