34 Nilapitan niya ang lalaki, hinugasan ng alak ang sugat, binuhusan ng langis at saka binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang tao sa sinasakyan niyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan doon.
35 Kinabukasan, binigyan ng Samaritano ng pera ang may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung kulang pa iyan sa magagastos mo ay babayaran kita pagbalik ko.’ ”
36 Nagtanong ngayon si Jesus sa tagapagturo ng Kautusan, “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang nagpakita na siya ang tunay na kapwa-tao ng biktima ng mga tulisan?”
37 Sumagot siya, “Ang tao pong nagpakita ng awa sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Lumakad ka at ganoon din ang gawin mo.”
38 Nagpatuloy si Jesus at ang mga tagasunod niya sa paglalakbay at dumating sila sa isang nayon. May isang babae roon na ang pangalan ay Marta. Malugod niyang tinanggap sina Jesus sa kanyang tahanan.
39 Si Marta ay may kapatid na ang pangalan ay Maria. Naupo si Maria sa paanan ng Panginoon at nakinig sa itinuturo niya.
40 Pero si Marta ay abalang-abala sa paghahanda niya, kaya lumapit siya kay Jesus at sinabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na nakaupo lang diyan ang kapatid ko at hinahayaang ako ang gumawa ng lahat? Sabihin nʼyo naman po sa kanya na tulungan niya ako.”