1 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hindi maiiwasan ang pagdating ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng tao. Ngunit nakakaawa ang taong magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa.
2 Mas mabuti pang talian siya sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat, kaysa siya ang maging dahilan ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito.
3 Kaya mag-ingat kayo.“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo siya. At kung magsisi siya, patawarin mo.
4 Kahit pitong beses pa siyang magkasala sa iyo sa maghapon, kung pitong beses din siyang hihingi ng tawad sa iyo ay patawarin mo.”
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang pananampalataya namin.”
6 Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa malaking punong ito, ‘Mabunot ka at malipat sa dagat!’ At susundin kayo nito.”
7 Sinabi pa ni Jesus, “Halimbawa, may alipin kang nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa at kararating lang niya mula sa trabaho niya. Bilang amo sasabihin mo ba sa kanya, ‘Halika na, maupo ka at kumain’?
8 Hindi! Sa halip, ito ang sasabihin ninyo, ‘Magbihis ka na at ipaghanda ako ng hapunan, at pagsilbihan mo ako habang kumakain. Saka ka na kumain pagkatapos ko.’
9 Hindi pinasasalamatan ang alipin dahil ginagawa lang niya ang kanyang tungkulin.
10 Ganoon din naman sa inyo. Pagkatapos ninyong gawin ang mga iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Mga alipin lamang kami, at hindi nararapat papurihan dahil ginagawa lang namin ang aming tungkulin.’ ”
11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, dumaan siya sa hangganan ng Galilea at Samaria.
12 Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking may malubhang sakit sa balat. Tumayo lang sila sa malayo
13 at sumigaw kay Jesus, “Panginoong Jesus, maawa po kayo sa amin!”
14 Nang makita sila ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa mga pari at magpatingin sa kanila.” At habang naglalakad pa lang sila, luminis na ang kanilang balat.
15 Nang makita ng isa sa kanila na magaling na siya, bumalik siya kay Jesus at nagsisigaw ng papuri sa Dios.
16 Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nagpasalamat sa kanya. Isa siyang Samaritano.
17 Sinabi ni Jesus, “Hindi baʼt sampu ang pinagaling ko? Nasaan ang siyam?
18 Bakit hindi bumalik ang iba upang magpuri sa Dios maliban sa taong ito na hindi Judio?”
19 Sinabi niya sa lalaki, “Tumayo ka at umuwi na. Iniligtas ka ng pananampalataya mo.”
20 Minsan, tinanong ng mga Pariseo si Jesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Dios. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan na nagsisimula na ang paghahari ng Dios.
21 Kaya walang makapagsasabing, ‘Dito maghahari ang Dios!’ o, ‘Doon siya maghahari!’ Dahil naghahari na ang Dios sa puso ninyo.”
22 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ako na Anak ng Tao kahit isang araw lang, pero hindi pa iyon mangyayari.
23 May mga magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Nandito siya!’ Huwag kayong sasama sa kanila para hanapin ako.
24 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan.
25 Ngunit kailangan muna akong dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng henerasyong ito.
26 “Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao.
27 Sa panahon nga ni Noe, wala silang inaatupag kundi ang magsaya. Nagkakainan sila, nag-iinuman at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Dumating ang baha at nalunod silang lahat.
28 Ganoon din noong kapanahunan ni Lot. Ang mga taoʼy nagkakainan, nag-iinuman, nagnenegosyo, nagsasaka at nagtatayo ng mga bahay,
29 hanggang sa araw na umalis si Lot sa Sodom. At pagkatapos, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at namatay silang lahat doon sa Sodom.
30 Ganyan din ang mangyayari sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao.
31 Sa araw na iyon, ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng mga ari-arian niya. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi.
32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot.
33 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, kapag may dalawang natutulog na magkatabi; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa.
35 Sa dalawang babaeng magkasamang naggigiling, kukunin ang isa at iiwan ang isa.
36 [At kapag may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa.]”
37 Tinanong siya ng mga tagasunod niya, “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” Sumagot siya sa pamamagitan ng kasabihan, “Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.”