1 Isang Araw ng Pamamahinga, inanyayahan si Jesus na kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Minamanmanan siyang mabuti ng mga taong kumokontra sa kanya.
2 Doon ay may isang lalaking minamanas.
3 Tinanong ni Jesus ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling ng may sakit sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”
4 Pero hindi sila sumagot. Kaya hinawakan ni Jesus ang may sakit, pinagaling at saka pinauwi.
5 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Kung mahulog ang anak o baka ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan nʼyo na lang ba ito? Siyempre, iaahon nʼyo agad, hindi ba?”
6 Hindi sila nakasagot sa tanong niya.
7 Napansin ni Jesus na ang mga bisita sa handaan ay nag-uunahan sa mga upuang pandangal, kaya pinangaralan niya ang mga ito,
8 “Kapag inimbita ka sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang upuang pandangal, dahil baka may inimbitang mas marangal pa kaysa sa iyo.
9 At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao.
10 Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuan para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin.
11 Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
12 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa nag-imbita sa kanya, “Kung maghahanda ka, huwag lang ang mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, at mayayamang kapitbahay ang imbitahin mo, dahil baka imbitahin ka rin nila, at sa ganooʼy nasuklian ka na sa ginawa mo.
13 Kaya kung maghahanda ka, imbitahin mo rin ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay at mga bulag.
14 Sa ganoon ay pagpapalain ka, dahil kahit hindi ka nila masusuklian, ang Dios ang magsusukli sa iyo sa araw ng muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
15 Nang marinig iyon ng isa sa mga nakaupo sa may mesa, sinabi niya kay Jesus, “Mapalad ang taong makakasalo sa handaan sa kaharian ng Dios!”
16 Kinuwentuhan siya ni Jesus ng ganito, “May isang taong naghanda ng isang malaking pagdiriwang, at marami ang inimbita niya.
17 Nang handa na ang lahat, inutusan niya ang mga alipin niya na sunduin ang mga inimbita at sabihin sa kanila, ‘Tayo na, handa na ang lahat.’
18 Pero nagdahilan ang bawat naimbitahan. Sinabi ng isa, ‘Pasensya na. Nakabili ako ng lupa at kailangang puntahan ko at tingnan.’
19 Sabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng sampung baka, at susubukan ko kung mabuting ipang-araro. Pasensya na.’
20 At sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako, kaya hindi ako makakadalo.’
21 Kaya umuwi ang alipin, at ibinalita ang lahat sa amo niya. Nagalit ang amo at nag-utos ulit sa alipin niya, ‘Sige, pumunta ka sa mga kalsada at mga eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag at mga pilay.’
22 Nang natupad iyon ng alipin, bumalik siya sa amo niya at sinabi, ‘Nagawa ko na po ang iniutos ninyo, pero maluwag pa.’
23 Kaya sinabi ng amo niya, ‘Pumunta ka sa mga kalsada at mga daan sa labas ng bayan at pilitin mong pumarito ang mga tao para mapuno ng panauhin ang bahay ko.
24 Tinitiyak ko sa inyo, ni isa man sa mga una kong inimbita ay hindi makakatikim ng handa ko.’ ”
25 Maraming tao ang sumunod kay Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Lumingon siya at sinabi sa kanila,
26 “Ang sinumang nais sumunod sa akin, pero mas mahalaga sa kanya ang kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging ang kanyang sarili ay hindi maaaring maging tagasunod ko.
27 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin ay hindi maaaring maging tagasunod ko.
28 Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay katulad ng isang tao na nagbabalak magtayo ng isang tore. Una, iisipin muna niya kung magkano ang magagastos niya sa pagpapatayo at kung may sapat siyang perang gagastusin hanggang sa matapos ito.
29 Sapagkat kung hindi niya ito gagawin, baka hanggang pundasyon lang ang maipagawa niya at hindi na maipatapos. Kaya pagtatawanan siya ng makakakita nito.
30 Sasabihin nila, ‘Nagpatayo ng bahay ang taong ito pero hindi nakayang ipatapos.’
31 Katulad din ng isang hari na gustong makipagdigma sa kanyang kapwa hari. Dapat isipin muna niya kung makakayanan ng 10,000 sundalo niya ang 20,000 sundalo ng kanyang kaaway.
32 At kung sa palagay niyaʼy hindi niya kaya, magpapadala na lang siya ng mga sugo para makipagkasundo bago dumating ang kanyang kaaway.
33 Ganyan din ang gawin ninyo. Isipin muna ninyong mabuti ang pagsunod sa akin, dahil kung hindi ninyo magagawang talikuran ang lahat ng nasa inyo ay hindi kayo maaaring maging tagasunod ko.”
34 “Mabuti ang asin, pero kung mag-iba ang lasa, wala nang magagawa para maibalik ang lasa nito.
35 Wala na itong pakinabang kahit ihalo sa dumi para maging pataba sa lupa, kaya itinatapon na lang ito ng mga tao. Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong unawain!”