13 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kanya.”
14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang masamang espiritu na sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki. Nang lumabas na ang masamang espiritu, nakapagsalita ang lalaki. Namangha ang mga tao.
15 Pero may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Satanas na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!”
16 Ang iba naman ay gustong subukin si Jesus, kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios bilang patunay na sugo siya ng Dios.
17 Pero alam niya ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakawatak-watak at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away.
18 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, paano mananatili ang kaharian niya? Tinatanong ko ito sa inyo dahil sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas.
19 Kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay sa mga tagasunod ninyo ng kapangyarihang makapagpalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang makakapagpatunay na mali kayo.