9 At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao.
10 Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuan para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin.
11 Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
12 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa nag-imbita sa kanya, “Kung maghahanda ka, huwag lang ang mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, at mayayamang kapitbahay ang imbitahin mo, dahil baka imbitahin ka rin nila, at sa ganooʼy nasuklian ka na sa ginawa mo.
13 Kaya kung maghahanda ka, imbitahin mo rin ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay at mga bulag.
14 Sa ganoon ay pagpapalain ka, dahil kahit hindi ka nila masusuklian, ang Dios ang magsusukli sa iyo sa araw ng muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
15 Nang marinig iyon ng isa sa mga nakaupo sa may mesa, sinabi niya kay Jesus, “Mapalad ang taong makakasalo sa handaan sa kaharian ng Dios!”