10 At sinabi ni Jesus, “Ganoon din sa langit, masayang-masaya ang mga anghel ng Dios dahil sa isang makasalanang nagsisi.”
11 Nagpatuloy si Jesus sa kanyang pagkukwento, “May isang ama na may dalawang anak na lalaki.
12 Sinabi ng bunso sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay nʼyo na sa akin ang bahaging mamanahin ko!’ Kaya hinati ng ama ang ari-arian niya sa dalawa niyang anak.
13 Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang lahat ng minana niya at pumunta sa malayong bayan. Doon niya ginastos ang lahat sa walang kwentang pamumuhay.
14 Nang maubos na ang pera niya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at naghirap siya.
15 Kaya namasukan siya bilang tagapag-alaga ng baboy sa isang taga-roon.
16 Sa tindi ng kanyang gutom, parang gusto na niyang kainin kahit pagkain ng mga baboy, dahil walang nagbibigay sa kanya ng makakain.