9 Biglang nagpakita sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at nagningning sa paligid nila ang nakakasilaw na liwanag ng Panginoon. Ganoon na lang ang pagkatakot nila,
10 pero sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot dahil naparito ako upang sabihin sa inyo ang magandang balita na magbibigay ng malaking kagalakan sa lahat ng tao.
11 Sapagkat isinilang ngayon sa Betlehem, sa bayan ni Haring David, ang inyong Tagapagligtas, ang Cristo na siyang Panginoon.
12 Ito ang palatandaan upang makilala ninyo siya: makikita ninyo ang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Pagkatapos magsalita ng anghel, biglang nagpakita ang napakaraming anghel at sama-sama silang nagpuri sa Dios. Sinabi nila,
14 “Purihin ang Dios sa langit! May kapayapaan na sa lupa, sa mga taong kinalulugdan niya!”
15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, nag-usap-usap ang mga pastol, “Tayo na sa Betlehem at tingnan natin ang mga pangyayaring sinabi sa atin ng Panginoon.”