14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na ayon sa inyo ay nanunulsol sa mga tao upang maghimagsik. Inimbestigahan ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong hindi totoo ang mga paratang nʼyo laban sa kanya.
15 Ganoon din ang napatunayan ni Herodes kaya ipinabalik niya si Jesus dito sa akin. Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan.
16 Kaya ipahahagupit ko na lang siya at palalayain.”
17 [Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo.]
18 Pero sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan, at palayain si Barabas!”
19 (Si Barabas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik sa Jerusalem at pagpatay.)
20 Muling nagsalita si Pilato sa mga tao dahil gusto niyang palayain si Jesus.