49 Sa di-kalayuan ay nakatayo ang mga kaibigan ni Jesus, pati ang mga babaeng sumama sa kanya mula sa Galilea. At nakita rin nila ang lahat ng nangyari.
50-51 May isang lalaki na ang pangalan ay Jose. Siya ay taga-Arimatea na sakop ng Judea. Kahit na miyembro siya ng korte ng mga Judio, hindi niya sinang-ayunan ang kanilang ginawa kay Jesus. Mabuting tao siya, matuwid at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Dios.
52 Pumunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.
53 Inalis niya ang bangkay sa krus at binalot ng telang linen. Pagkatapos, inilagay niya ito sa libingang inukit sa gilid ng burol, na hindi pa napaglilibingan.
54 Biyernes noon at araw ng paghahanda para sa Araw ng Pamamahinga.
55 Sinundan si Jose ng mga babaeng sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus.
56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng sari-saring pabango na ipapahid sa bangkay ni Jesus. At nang magsimula na ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa Kautusan.