1 Isang araw, nakatayo si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret, at nagsisiksikan sa kanya ang napakaraming tao upang makinig ng salita ng Dios.
2 May nakita si Jesus na dalawang bangka sa baybayin. Nagbabaan na sa bangka ang mga mangingisda at naghuhugas na ng mga lambat nila.
3 Sumakay siya sa isang bangka at nakiusap kay Simon na may-ari ng bangka, na itulak iyon nang kaunti sa tubig. Naupo si Jesus sa bangka at nagturo sa mga tao.
4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat ninyo, at makakahuli kayo ng isda.”
5 Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nangisda pero wala kaming nahuli. Pero dahil sinabi ninyo, ihuhulog ko ulit ang lambat.”