8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus at sinabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, dahil makasalanan ako.”
9 Ganito ang naging reaksiyon niya, dahil labis siyang namangha, pati na ang mga kasamahan niya, sa dami ng nahuli nila.
10 Namangha rin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee, na mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon, hindi na isda ang huhulihin mo kundi mga tao na upang madala sila sa Dios.”
11 Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
12 Isang araw, nang nasa isang bayan si Jesus, lumapit sa kanya ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat, Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawa na pagalingin siya. Sinabi niya, “Panginoon, kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.”
13 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” At gumaling agad ang kanyang sakit.
14 Sinabihan siya ni Jesus, “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.”