30 Bigyan mo ang sinumang humihingi sa iyo; at kapag may kumuha ng iyong ari-arian ay huwag mo na itong bawiin pa.
31 Gawin ninyo sa inyong kapwa ang gusto ninyong gawin nila sa inyo.
32 “Kung ang mamahalin lang ninyo ay ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Ginagawa rin iyan ng masasamang tao.
33 At kung ang gagawan lang ninyo ng mabuti ay ang mga taong mabuti sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Ginagawa rin iyan ng masasamang tao.
34 At kung ang pinahihiram lang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makakabayad sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Kahit ang masasamang tao ay nagpapahiram din sa kapwa nila masama sa pag-asang babayaran sila.
35 Ito ang inyong gawin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Kung magpapahiram kayo, magpahiram kayo nang hindi umaasa ng anumang kabayaran. At malaking gantimpala ang tatanggapin ninyo, at makikilala kayong mga anak ng Kataas-taasang Dios. Sapagkat mabuti siya kahit sa mga taong masama at walang utang na loob.
36 Maging maawain kayo tulad ng inyong Ama.”