20 Pagdating nila kay Jesus, sinabi nila, “Pinapunta po kami rito ni Juan na tagapagbautismo upang itanong sa inyo kung kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?”
21 Nang mga sandaling iyon, maraming pinagaling si Jesus na mga may sakit, at pinalayas niya ang masasamang espiritu sa mga tao. Pinagaling din niya ang mga bulag.
22 Kaya sinabi niya sa mga tagasunod ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang nakita at narinig ninyo: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
23 Mapalad ang taong hindi nagdududa sa akin.”
24 Nang makaalis na ang mga taong inutusan ni Juan, nagtanong si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong tulad ng talahib na humahapay sa ihip ng hangin?
25 Pumunta ba kayo roon upang makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit at namumuhay sa karangyaan ay sa palasyo ninyo makikita.
26 Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta.