18 “Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, dahil ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang inaakala niyang nauunawaan niya ay kukunin pa sa kanya.”
19 Ngayon, pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.
20 Kaya may nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makita.”
21 Sumagot si Jesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”
22 Isang araw, sumakay ng bangka si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila.
23 Nang naglalayag na sila, nakatulog si Jesus. Maya-mayaʼy lumakas ang hangin at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib.
24 Nilapitan si Jesus ng mga tagasunod niya at ginising, “Guro! Guro! Lulubog na tayo!” Bumangon si Jesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon.