21 Ngunit hindi taimtim sa puso ang kanilang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na kanilang tinanggap, agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya.
22 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo at sa paghahangad na yumaman, nakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namunga ang salita sa buhay nila.
23 Ngunit ang mabuting lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Dios at nakakaunawa nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy napakarami ang bunga, ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy katamtaman lang.”
24 Muling nagbigay ng talinghaga si Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid.
25 Pero kinagabihan, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo at umalis.
26 Nang tumubo ang mga tanim at namunga, lumitaw din ang masasamang damo.
27 Kaya pumunta sa kanya ang kanyang mga alipin at sinabi, ‘Hindi po ba mabubuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Paano po ba ito nagkaroon ng masasamang damo?’