1 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang tungkol kay Jesus.
2 Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Siyaʼy si Juan na tagapagbautismo! Muli siyang nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.”
3 Ipinahuli niya noon si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe.
4 Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tamang magsama sila ni Herodias.
5 Gusto sanang ipapatay ni Herodes si Juan pero natakot siya sa mga Judio dahil itinuturing nilang propeta si Juan.
6 Nang dumating ang kaarawan ni Herodes, sumayaw para sa mga bisita ang dalagang anak ni Herodias na ikinatuwa naman ni Herodes.
7 Kaya isinumpa niyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito.
8 Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga, “Gusto ko pong ibigay nʼyo sa akin ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang bandehado.”
9 Nalungkot ang hari sa kahilingang iyon. Pero dahil sa pangako niyang narinig mismo ng mga bisita, iniutos niya na gawin ang kahilingan ng dalaga.
10 Kaya pinugutan ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan,
11 inilagay ang ulo niya sa isang bandehado at dinala sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
12 Ang bangkay ni Juan ay kinuha ng kanyang mga tagasunod at inilibing, at ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.
13 Nang mabalitaan iyon ni Jesus, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang tahimik na lugar. Nang malaman ng mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan na nakaalis na si Jesus, lumakad sila patungo sa lugar na pupuntahan niya.
14 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga may sakit sa kanila.
15 Nang gumagabi na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang na lugar po tayo at dumidilim na. Paalisin nʼyo na po ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at nang makabili ng pagkain nila.”
16 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila.”
17 Sumagot sila, “Mayroon lang po tayong limang tinapay at dalawang isda.”
18 “Dalhin ninyo ang mga ito sa akin,” ang sabi ni Jesus.
19 Inutusan niya ang mga tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ibinigay naman nila ito sa mga tao.
20 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket.
21 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 5,000, maliban pa sa mga babae at mga bata.
22 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao.
23 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siyang mag-isa sa isang bundok para manalangin. Inabot na siya roon ng gabi.
24 Nang oras na iyon, malayo na ang bangkang sinasakyan ng mga tagasunod niya. Sinasalpok ng malalaking alon ang bangka nila dahil pasalungat ito sa hangin.
25 Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig.
26 Pagkakita ng mga tagasunod na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot.
27 Pero agad na nagsalita si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.”
28 Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako riyan na naglalakad din sa tubig.”
29 “Halika,” sabi ni Jesus. Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Jesus.
30 Pero nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!”
31 Agad naman siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?”
32 Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin.
33 At sinamba siya ng mga nasa bangka at sinabi, “Talagang kayo nga po ang Anak ng Dios.”
34 Nang makatawid sila ng lawa, dumaong sila sa bayan ng Genesaret.
35 Nakilala ng mga taga-roon si Jesus at ipinamalita nila sa mga karatig lugar na naroon siya. Kaya dinala ng mga tao kay Jesus ang mga may sakit sa kanila.
36 Nakiusap sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.