1 “Ang paghahari ng Dios sa araw na iyon ay maitutulad sa kwentong ito: May sampung dalagang lumabas na may dalang ilawan upang salubungin ang lalaking ikakasal.
2 Ang lima sa kanilaʼy mangmang, at ang limaʼy marurunong.
3 Ang mga mangmang ay nagdala ng ilawan pero hindi nagdala ng reserbang langis,
4 habang ang marurunong naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga ilawan.
5 Natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya ang mga dalaga ay nakatulog sa paghihintay.
6 “Nang hatinggabi na, biglang may sumigaw, ‘Nariyan na ang ikakasal! Halikayoʼt salubungin ninyo!’
7 Nagising ang sampung dalaga at inihanda ang kani-kanilang ilawan.
8 Sinabi ng mga mangmang sa marurunong, ‘Pahingi naman ng kaunting langis; malapit na kasing mamatay ang mga ilawan namin.’
9 Sumagot sila, ‘Hindi pwede, dahil hindi magkakasya sa atin ang langis. Pumunta na lang kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo.’
10 Kaya umalis ang mga mangmang na dalaga para bumili ng kanilang langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay sumama sa kanya sa handaan. Pagpasok nila, isinara ang pintuan.
11 “Maya-mayaʼy dumating na ang limang mangmang na dalaga at nagsisigaw, ‘Papasukin nʼyo po kami.’
12 Pero sumagot ang lalaki, ‘Hindi ko kayo kilala.’ ”
13 At sinabi ni Jesus, “Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng aking pagbabalik.”
14 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong papunta sa malayong lugar. Kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang pera niya.
15 Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kanilang kakayahang magnegosyo. Binigyan niya ang isa ng 5,000, ang isa naman ay 2,000, at sa isa pa ay 1,000. Pagkatapos ay umalis na siya.
16 Ang alipin na binigyan ng 5,000 ay kaagad na umalis at ginamit sa negosyo ang pera. At tumubo siya ng 5,000.
17 Ganoon din ang ginawa ng alipin na binigyan ng 2,000. At tumubo siya ng 2,000.
18 Pero ang alipin na binigyan ng 1,000 ay naghukay sa lupa at itinago roon ang pera.
19 “Pagkalipas ng mahabang panahon, bumalik ang amo nila at ipinatawag sila upang magbalita tungkol sa perang ipinagkatiwala sa kanila.
20 Lumapit ang alipin na nakatanggap ng 5,000 at sinabi, ‘Heto po ang 5,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 5,000 na tinubo ko.’
21 Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’
22 Pagkatapos, lumapit naman ang alipin na binigyan ng 2,000 at sinabi niya, ‘Heto po ang 2,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 2,000 na tinubo ko.’
23 Sumagot ang kanyang amo: ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi rin sa aking kaligayahan!’
24 Lumapit din ang alipin na binigyan ng 1,000 at sinabi sa kanyang amo, ‘Alam ko pong mabagsik kayo at walang awa. Inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim, at kinukuha ninyo ang pinaghirapan ng iba.
25 Natakot po ako kaya ibinaon ko ang pera nʼyo sa lupa. Heto po ang 1,000 na ibinigay nʼyo sa akin.’
26 Sumagot ang kanyang amo, ‘Masama at tamad na alipin! Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim, at kinukuha ko ang pinaghirapan ng iba.
27 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay may makuha akong interes?’
28 Kaya sinabi niya sa iba pang mga utusan, ‘Kunin ninyo sa kanya ang 1,000 at ibigay sa mayroong 10,000.
29 Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa ng mas marami, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa.
30 Itapon ninyo ang walang silbing alipin na iyan sa kadiliman sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ”
31 “Kapag ako na Anak ng Tao ay dumating na bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo ako sa aking dakilang trono.
32 Titipunin ko sa aking harapan ang lahat ng lahi sa mundo. Pagbubukud-bukurin ko sila, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at kambing.
33 Ang mga tupa, na walang iba kundi ang matutuwid, ay ilalagay ko sa aking kanan, at ang mga kambing, na walang iba kundi ang masasama, ay ilalagay ko sa aking kaliwa.
34 Pagkatapos, bilang Hari ay sasabihin ko sa mga tao sa aking kanan, ‘Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang mundo.
35 Sapagkat nang nagutom ako ay pinakain ninyo ako, at nang nauhaw ako ay pinainom ninyo. Nang naging dayuhan ako ay pinatuloy ninyo ako sa inyong tahanan,
36 at nang wala akong maisuot ay binihisan ninyo. Nang may sakit ako ay inalagaan ninyo, at nang nasa kulungan ako ay binisita ninyo.’
37 Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom?
38 Kailan namin kayo nakitang naging dayuhan at aming pinatuloy o walang maisuot at aming binihisan?
39 Kailan namin kayo nakitang may sakit o nasa kulungan at aming binisita?’
40 At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang ginawa nʼyo ito sa pinakahamak kong mga kapatid, para na rin nʼyo itong ginawa sa akin.’
41 “Pagkatapos, sasabihin ko naman sa mga tao sa aking kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa ng Dios! Doon kayo sa walang katapusang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon.
42 Sapagkat nang nagutom ako ay hindi nʼyo ako pinakain, at nang nauhaw ako ay hindi nʼyo pinainom.
43 Nang naging dayuhan ako ay hindi nʼyo ako pinatuloy sa inyong tahanan, at nang wala akong maisuot ay hindi nʼyo binihisan. Nang may sakit ako at nasa kulungan ay hindi nʼyo ako inalagaan.’
44 Tatanungin nila ako, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, walang maisuot, may sakit o nasa kulungan at hindi namin kayo tinulungan?’
45 At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang hindi ninyo tinulungan ang pinakahamak kong mga kapatid, ako ang hindi ninyo tinulungan.’
46 Itataboy ko ang mga taong ito sa walang hanggang kaparusahan, ngunit bibigyan ko ang mga matuwid ng buhay na walang hanggan.”