17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka ng Dios, Simon na anak ni Jonas. Sapagkat hindi tao ang nagpahayag sa iyo ng bagay na ito kundi ang aking Amang nasa langit.
18 At ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw si Pedro, at sa batong ito, itatayo ko ang aking iglesya, at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan.
19 Ibibigay ko sa iyo ang kapangyarihan sa kaharian ng Dios. Anuman ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot mo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.”
20 Pagkatapos nito, sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.
21 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat siyang pumunta sa Jerusalem at dumanas ng maraming paghihirap sa kamay ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. At siyaʼy ipapapatay nila, pero sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.
22 Nang marinig ito ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan, “Panginoon, huwag po sanang ipahintulot ng Dios. Hindi ito dapat mangyari sa inyo.”
23 Hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Pinipigilan mo akong gawin ang kalooban ng Dios, dahil hindi ayon sa kalooban ng Dios ang iniisip mo kundi ayon sa kalooban ng tao!”