20 Pagkatapos nito, sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.
21 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat siyang pumunta sa Jerusalem at dumanas ng maraming paghihirap sa kamay ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. At siyaʼy ipapapatay nila, pero sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.
22 Nang marinig ito ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan, “Panginoon, huwag po sanang ipahintulot ng Dios. Hindi ito dapat mangyari sa inyo.”
23 Hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Pinipigilan mo akong gawin ang kalooban ng Dios, dahil hindi ayon sa kalooban ng Dios ang iniisip mo kundi ayon sa kalooban ng tao!”
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat handa siyang humarap kahit sa kamatayan alang-alang sa pagsunod niya sa akin.
25 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.
26 Ano ba ang mapapala ng tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kanyang buhay? May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay?