12 Kaya tinanong niya ang lalaki, ‘Kaibigan, bakit pumasok ka rito nang hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan?’ Hindi nakasagot ang lalaki.
13 Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Talian ninyo ang mga kamay at paa niya at itapon sa dilim, doon sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ”
14 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag ng Dios na mapabilang sa kanyang kaharian, ngunit kakaunti ang pinili.”
15 Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang mga pananalita.
16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga tauhan ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios. Wala kayong pinapaboran, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao.
17 Ano sa palagay nʼyo? Tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?”
18 Pero alam ni Jesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan?