15 Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang mga pananalita.
16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga tauhan ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios. Wala kayong pinapaboran, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao.
17 Ano sa palagay nʼyo? Tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma o hindi?”
18 Pero alam ni Jesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan?
19 Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis.” Iniabot nila sa kanya ang pera.
20 Tinanong sila ni Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?”
21 Sumagot sila, “Sa Emperador.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.”