29 Kaya kung ang kanang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng iyong katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno.
30 At kung ang kanang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mas mabuti pang mawalan ka ng isang parte ng katawan kaysa sa buo ang katawan mo pero itatapon ka naman sa impyerno.”
31 “Sinabi rin noong una, ‘Kung nais ng isang lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa, kinakailangang bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’
32 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kapag hiniwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, siya na rin ang nagtulak sa kanyang asawa na mangalunya kapag nag-asawa itong muli. At ang sinumang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.”
33 “Narinig din ninyo na sinabi noong una sa ating mga ninuno, ‘Kapag ang tao ay nangako at nanumpa pa sa pangalan ng Panginoon, kailangang tuparin niya ito.’
34 Ngunit sinasabi ko sa inyo na kung mangangako kayo, huwag kayong susumpa. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ dahil naroon ang trono ng Dios,
35 o ‘Saksi ko ang lupa,’ dahil ito ang tuntungan ng kanyang paa. At huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ dahil ito ang lungsod ng dakilang hari.