3 Nang malaman kong hindi kayo tutulong, itinaya ko ang buhay ko sa labanan. At pinagtagumpay ako ng Panginoon. Ngayon, bakit ba gusto nʼyong makipaglaban sa akin?”
4 Sumagot ang mga taga-Efraim, “Kayong mga taga-Gilead ay mga sampid lamang sa angkan ng Efraim at Manase.” Kaya tinipon ni Jefta ang mga lalaki sa Gilead at nakipaglaban sila sa mga taga-Efraim at nalupig nila ang mga ito.
5 Sinakop nila ang mga lugar sa Ilog ng Jordan na tinatawiran papunta sa Efraim, para walang taga-Efraim na makatakas. Ang kahit sinong tatawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim ba sila o hindi. Kung sasagot sila ng, “Hindi,”
6 pinagsasalita nila ito ng “Shibolet”, dahil ang mga taga-Efraim ay hindi makabigkas nito. Kung ang pagkakasabi naman ay “Sibolet”, papatayin sila sa may tawiran ng Ilog ng Jordan. May 42,000 taga-Efraim ang namatay nang panahong iyon.
7 Pinamunuan ni Jefta ang Israel sa loob ng anim na taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa isang bayan sa Gilead.
8 Pagkamatay ni Jefta, si Ibzan na taga-Betlehem ang pumalit sa kanya bilang pinuno ng Israel.
9 Si Ibzan ay may 60 anak: 30 lalaki at 30 babae. Pinapag-asawa niya ang mga anak niyang babae sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan. Namuno siya sa Israel sa loob ng pitong taon.