1 May isang tao na nakatira sa kabundukan ng Efraim na ang pangalan ay Micas.
2-3 Isang araw, sinabi ni Micas sa kanyang ina, “Narinig ko pong isinumpa nʼyo ang kumuha ng inyong 1,100 pirasong pilak. Narito ang pilak, ako po ang kumuha.” Pagkatanggap nito ng kanyang ina, sinabi nito, “Anak, pagpalain ka sana ng Panginoon. Ihahandog ko itong pilak sa Panginoon para hindi dumating sa iyo ang sumpa. Gagamitin ko ito na pangtapal sa kahoy na imahen na ipapagawa ko. Ihahandog ko nga ito sa Panginoon para maligtas ka sa sumpa.”
4 Pagkatapos, kumuha ang kanyang ina ng 200 pilak at ibinigay sa platero. Ginamit ito ng platero na pangtapal sa kahoy na imahen. Nang natapos na, inilagay ang dios-diosan sa bahay ni Micas.
5 May sariling sambahan si Micas at nagpagawa siya ng mga dios-diosan at espesyal na damit ng pari. At ginawa niyang pari ang isa sa mga anak niyang lalaki.
6 Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay malaya kung ano ang gusto niyang gawin.
7 May isang binatilyong Levita na nakatira sa Betlehem na sakop ng Juda.
8 Isang araw, umalis siya para maghanap ng matitirhan sa ibang lugar. Sa kanyang pag-alis, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim.
9 Tinanong siya ni Micas, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Taga-Betlehem po ako, na sakop ng Juda, at isa po akong Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan.”
10-11 Sinabi ni Micas, “Dito ka na lang tumira kasama ko. Gagawin kitang tagapayo ko at pari. At bawat taon, bibigyan kita ng sampung pirasong pilak, bukod pa sa mga damit at pagkain na ibibigay ko sa iyo.” Pumayag ang Levita sa sinabi ni Micas at itinuring siya ni Micas na isa sa kanyang mga anak.
12 Ginawa siyang pari ni Micas at doon pinatira sa kanyang bahay.
13 Sinabi ni Micas, “Ngayon, natitiyak kong pagpapalain ako ng Panginoon dahil may pari na akong Levita.”