1 Nang araw na iyon na silaʼy nanalo, umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam. Ito ang awit nila:
2 Purihin ang Panginoon! Sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nangunang lumaban at kusang-loob na sumunod ang mga mamamayan.
3 Makinig kayong mga hari at mga pinuno!Aawit ako ng mga papuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel!
4 O Panginoon, nang umalis kayo sa Bundok ng Seir,at nang lumabas kayo sa lupain ng Edom,ang mundoʼy nayanig at umulan nang malakas.
5 Nayanig ang mga bundok sa harapan nʼyo, O Panginoon. Kayo ang Dios ng Israel na nagpahayag ng inyong sarili sa Bundok ng Sinai.
6 Nang panahon ni Shamgar na anak ni Anat at nang panahon ni Jael, walang dumadaan sa mga pangunahing lansangan.Ang mga naglalakbay doon ay dumadaan sa mga liku-likong daan.
7 Walang nagnanais tumira sa Israel, hanggang sa dumating ka, Debora, na kinikilalang ina ng Israel.
8 Nang sumamba ang mga Israelita sa mga bagong dios, dumating sa kanila ang digmaan.Pero sa 40,000 Israelita ay wala ni isang may pananggalang o sibat man.
9 Nagagalak ang aking puso sa mga pinuno ng Israel at sa mga Israelita na masayang nagbigay ng kanilang sarili.Purihin ang Panginoon!
10 Kayong mayayaman na nakasakay sa mga puting asno at nakaupo sa magagandang upuan nito,at kayong mga mahihirap na naglalakad lang, makinig kayo!
11 Pakinggan nʼyo ang mga salaysay ng mga tao sa paligid ng mga balon.Isinasalaysay nila ang mga pagtatagumpay ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga sundalo sa Israel.Pagkatapos, nagmartsa ang mga mamamayan ng Panginoon sa may pintuan ng lungsod na nagsasabi,
12 “Tayo na Debora, lumakad tayo habang umaawit ng mga papuri sa Dios.Tayo na Barak na anak ni Abinoam, hulihin mo ang iyong mga bibihagin.”
13 Ang mga natirang buhay na mga mamamayan ng Panginoon ay kasama kong bumaba para lusubin ang mga kilala at mga makapangyarihang tao.
14 Ang iba sa kanilaʼy nanggaling sa Efraim – ang lupaing pagmamay-ari noon ng mga Amalekita – at ang ibaʼy mula sa lahi ni Benjamin.Sumama rin sa pakikipaglaban ang mga kapitan ng mga kawal ng Makir at ang lahi ni Zebulun.
15 Sumama rin ang mga pinuno ng lahi ni Isacar kina Debora at Barak papunta sa lambak.Pero ang lahi naman ni Reuben ay walang pagkakaisa, kaya hindi makapagpasya kung sasama sila o hindi.
16 O lahi ni Reuben, magpapaiwan na lang ba kayo kasama ng mga tupa?Gusto nʼyo lang bang makinig sa pagtawag ng mga tagapagbantay ng kanilang mga tupa? Wala talaga kayong pagkakaisa, kaya hindi kayo makapagpasya kung ano ang dapat ninyong gawin.
17 Nagpaiwan din ang lahi ni Gad sa silangan ng Jordan,at ang lahi ni Dan naman ay nagpaiwan sa trabaho nila sa mga barko.Ang lahi ni Asher naman ay nagpaiwan sa tinitirhan nila sa tabi ng dagat.
18 Pero itinaya ng lahi nina Zebulun at Naftali ang kanilang buhay sa pakikipaglaban.
19 Dumating ang mga haring Cananeo at nakipaglaban sa mga Israelita sa Taanac na nasa tabi ng Ilog ng Megido,pero kahit isang pilak ay wala silang nasamsam.
20 Hindi lang ang Israel ang nakipaglaban kay Sisera, kundi pati rin ang mga bituin.
21 Inanod sila sa Lambak ng Kishon, ang napakatagal nang lambak.Magpapatuloy ako sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon.
22 At ngayon, maririnig ang yabag ng mga paa ng mga kabayo.
23 Pagkatapos, sinabi ng anghel ng Panginoon, “Sumpain ang Meroz!Sumpain kayong mga naninirahan dito dahil hindi kayo tumulong nang makipaglaban ang Panginoon sa mga makapangyarihang tao.”
24 Higit na mapalad si Jael na asawa ni Heber na Keneo kaysa sa lahat ng babae na nakatira sa mga tolda.
25 Nang humingi ng tubig si Sisera, gatas ang kanyang ibinigay na nakalagay sa mamahaling sisidlan.
26 Pagkatapos, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at ipinukpok sa sentido ni Sisera.
27 At namatay si Sisera na nakahandusay sa paanan ni Jael.
28 Nakamasid sa bintana ang ina ni Sisera, na hindi mapakali at nagtatanong kung bakit hindi pa dumadating ang kanyang anak.
29 Sumagot ang mga pinakamatalino sa kanyang mga kababaihan, at ito rin ang paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sarili,
30 “Baka natagalan sila sa pangunguha at paghahati ng mga bagay na nasamsam nila sa kanilang mga kalaban:isa o dalawang babae para sa bawat sundalo, mamahaling damit para kay Sisera,at binurdahang damit na napakaganda para sa akin.”
31 Kaya malipol sana ang lahat ng kalaban mo, O Panginoon.Pero ang mga nagmamahal sana sa inyo ay matulad sana sa pagsikat ng araw na sobrang liwanag.At nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon.