1 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon, kaya ipinasakop sila ng Panginoon sa mga Filisteo sa loob ng 40 taon.
2 Nang panahong iyon, may isang lalaki na ang pangalan ay Manoa. Kabilang siya sa lahi ni Dan, at nakatira siya sa Zora. Ang asawa niya ay baog.
3 Isang araw, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa at nagsabi, “Hanggang ngayon ay wala ka pang anak. Pero hindi magtatagal, magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki.
4 Mula ngayon, siguraduhin mong hindi ka na iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi.
5 At huwag mong gugupitan ang buhok niya, sapagkat ang sanggol na isisilang mo ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo. Ililigtas niya ang Israel sa mga Filisteo.”