13 Sumagot ang anghel, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya.
14 Hindi siya kakain ng anumang mula sa ubas. Hindi rin siya iinom ng katas ng ubas o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi. Kailangang sundin niya ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”
15 Sinabi ni Manoa sa anghel, “Huwag po muna kayong umalis dahil magkakatay kami ng batang kambing para sa inyo.”
16 Sumagot ang anghel, “Kahit hindi ako umalis, hindi ko kakainin ang pagkaing inihanda mo. Mabuti pa kung maghahanda ka ng handog na sinusunog para sa Panginoon.” (Hindi alam ni Manoa na anghel pala iyon ng Panginoon.)
17 Nagtanong si Manoa, “Ano po ang pangalan nʼyo, para mapasalamatan po namin kayo sa oras na matupad ang sinabi nʼyo?”
18 Sumagot ang anghel, “Bakit gusto mong malaman ang pangalan ko? Mahirap itong maintindihan.”
19 Pagkatapos, kumuha si Manoa ng batang kambing at inihandog niya bilang pagpaparangal sa Panginoon, at inilagay niya ito sa ibabaw ng altar na bato para sa Panginoon. Habang nakatitig si Manoa at ang asawa niya, gumawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay.