3 Isang araw, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa at nagsabi, “Hanggang ngayon ay wala ka pang anak. Pero hindi magtatagal, magbubuntis ka at manganganak ng isang lalaki.
4 Mula ngayon, siguraduhin mong hindi ka na iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakakalasing, o kakain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi.
5 At huwag mong gugupitan ang buhok niya, sapagkat ang sanggol na isisilang mo ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo. Ililigtas niya ang Israel sa mga Filisteo.”
6 Pumunta ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang kamangha-manghang lingkod ng Dios na parang anghel. Hindi ko naitanong kung taga-saan siya at hindi rin niya sinabi kung sino siya.
7 Sinabi niya sa akin na mabubuntis ako at manganganak ng lalaki. Sinabihan din niya ako na huwag iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakalalasing, o kumain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi, dahil ang sanggol na isisilang ko ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo mula sa kanyang pagkasilang hanggang sa mamatay siya.”
8 Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Panginoon, kung maaari po, pabalikin ninyo ang taong isinugo nʼyo para turuan kami kung ano ang dapat naming gawin sa anak namin kapag isinilang na siya.”
9 Pinakinggan ng Dios ang panalangin ni Manoa. Muling nagpakita ang anghel ng Dios sa asawa ni Manoa habang nakaupo siyang nag-iisa sa bukid.