7 Sinabi niya sa akin na mabubuntis ako at manganganak ng lalaki. Sinabihan din niya ako na huwag iinom ng alak o anumang uri ng inuming nakalalasing, o kumain ng anumang pagkain na itinuturing na marumi, dahil ang sanggol na isisilang ko ay itatalaga sa Dios bilang isang Nazareo mula sa kanyang pagkasilang hanggang sa mamatay siya.”
8 Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Panginoon, kung maaari po, pabalikin ninyo ang taong isinugo nʼyo para turuan kami kung ano ang dapat naming gawin sa anak namin kapag isinilang na siya.”
9 Pinakinggan ng Dios ang panalangin ni Manoa. Muling nagpakita ang anghel ng Dios sa asawa ni Manoa habang nakaupo siyang nag-iisa sa bukid.
10 Mabilis niyang hinanap ang asawa niya at sinabi, “Manoa, halika! Narito ang tao na nagpakita sa akin noong isang araw.”
11 Tumayo si Manoa at sumunod sa kanyang asawa. Pagkakita niya sa tao, tinanong niya, “Kayo ba ang nakipag-usap sa asawa ko?” Sumagot siya, “Oo.”
12 Nagtanong si Manoa sa kanya, “Kung matutupad ang sinabi nʼyo, ano po ba ang mga dapat sundin ng batang ito patungkol sa kanyang pamumuhay at sa kanyang gawain?”
13 Sumagot ang anghel, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya.