36 At napansin ng mga taga-Benjamin na natatalo na sila.Tumakas ang malaking grupo ng mga sundalo ng Israel para makalusob ang mga taong itinalaga nilang pumaligid sa bayan ng Gibea.
37 Habang humahabol ang mga taga-Benjamin, biglang nilusob ng mga taong ito ang Gibea at pinagpapatay ang lahat ng tao roon.
38 Bago sila lumusob, nag-usap muna sila na kapag nakita ng mga tumatakas na mga Israelita ang makapal na usok sa Gibea,
39 babalik sila sa pakikipaglaban. Ang mga taga-Benjamin noon ay nakapatay ng 30 Israelita, kaya inaakala nilang nagtagumpay na naman sila sa mga Israelita.
40 At nang pumaitaas na ang makapal na usok sa Gibea, lumingon ang mga taga-Benjamin, at nakita nila ang makapal na usok mula sa lungsod.
41 Kaya bumalik ang mga Israelita at nilusob nila ang mga taga-Benjamin. Natakot ang mga taga-Benjamin dahil napansin nilang malapit na ang katapusan nila.
42 Tumakas sila sa ilang, pero hinabol sila ng mga Israelitang lumalabas sa bayan.