9 Sumagot si Debora, “Sige, sasama ako sa iyo, pero hindi mapupunta sa iyo ang karangalan dahil ipapatalo ng Panginoon si Sisera sa isang babae.” Kaya sumama si Debora kay Barak at pumunta sila sa Kedesh.
10 Doon, ipinatawag ni Barak ang mga lahi ni Naftali at ni Zebulun, at 10,000 tao ang sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.
11 Nang panahong iyon, si Heber na Keneo ay nagtayo ng tolda niya malapit sa puno ng terebinto sa Zaananim malapit sa Kedesh. Humiwalay siya sa ibang mga Keneo na mula sa angkan ni Hobab na bayaw ni Moises.
12 Ngayon, may nakapagsabi kay Sisera na papunta si Barak sa Bundok ng Tabor.
13 Kaya tinipon ni Sisera ang 900 karwahe niyang yari sa bakal at ang lahat ng sundalo niya. At umalis sila mula sa Haroshet Hagoyim papunta sa Lambak ng Kishon.
14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Humanda ka! Ito na ang araw na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban kay Sisera. Pangungunahan ka ng Panginoon.” Kaya bumaba si Barak sa Bundok ng Tabor kasama ng 10,000 niyang sundalo.
15 Nang lumusob na sina Barak, nilito ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng mangangarwahe at sundalo niya. Pagkatapos, tumalon si Sisera sa karwahe niya at tumakas.