13 Sumagot si Gideon, “Kung sumasaamin nga ang Panginoon, bakit ganito ang kalagayan namin? Bakit hindi na siya gumagawa ng mga himala gaya ng ginawa niya noon nang inilabas niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa mga kwento nila sa amin? At ngayon, pinabayaan na kami ng Panginoon at ipinaubaya sa mga Midianita.”
14 Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Humayo ka at gamitin ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel mula sa mga Midianita. Ako ang nagsusugo sa iyo.”
15 Sumagot si Gideon, “Pero paano ko po maililigtas ang Israel? Ang pamilya po namin ang pinakamahina sa lahi ni Manase at ako naman po ang pinakaaba sa pamilya namin.”
16 Sumagot ang Panginoon, “Tutulungan kita at lilipulin mo ang mga Midianita na parang nakikipaglaban ka lang sa isang tao.”
17 Sinabi ni Gideon, “Kung nalulugod po kayo sa akin, Panginoon, bigyan nʼyo po ako ng palatandaan na kayo talaga ang nag-uutos sa akin.
18 Huwag po muna kayong umalis dahil kukuha ako ng ihahandog ko sa inyo.”Sumagot ang Panginoon, “Hihintayin kita.”
19 Umuwi si Gideon at nagluto ng isang batang kambing. At gumawa siya ng tinapay na walang pampaalsa gamit ang kalahating sako ng harina. Pagkatapos, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw nito sa kaldero, at dinala niya ang pagkain sa anghel doon sa puno ng terebinto.