22 Napatunayan ni Gideon na anghel nga ng Panginoon ang nakita niya, sinabi niya, “O Panginoong Dios, nakita ko po nang harapan ang anghel ninyo.”
23 Pero sinabihan siya ng Panginoon, “Huwag kang mag-alala at matakot. Hindi ka mamamatay.”
24 Nagpatayo roon si Gideon ng altar para sa Panginoon at tinawag niya itong, “Nagbibigay ng Kapayapaan ang Panginoon.” Hanggang ngayon, naroon pa rin iyon sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer.
25 Nang gabi ring iyon, sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Kunin mo ang pangalawa sa pinakamagandang toro ng iyong ama, iyong pitong taong gulang na. Pagkatapos, gibain mo ang altar para kay Baal na ipinatayo ng iyong ama at gibain mo rin ang posteng simbolo ng diyosang si Ashera na nasa tabi ng altar nito.
26 Pagkatapos, magpatayo ka ng tamang altar para sa akin, ang Panginoon na iyong Dios sa ibabaw ng bundok na ito. Pagkatapos, ialay mo sa akin ang baka bilang handog na sinusunog. At gamitin mong panggatong ang pinutol mong poste ni Ashera.”
27 Kaya isinama ni Gideon ang sampu niyang utusan at ginawa niya ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Pero ginawa niya ito nang gabi dahil natatakot siya sa pamilya niya at sa kanyang mga kababayan.
28 Kinaumagahan, nakita ng mga tao na giba na ang altar para kay Baal, at putol-putol na ang poste ni Ashera at ito ang ipinanggatong sa baka na inihandog sa bagong altar.