30 Kayaʼt sinabihan nila si Joash, “Palabasin mo rito ang anak mo! Dapat siyang patayin! Dahil giniba niya ang altar para kay Baal at pinagputol-putol ang poste ni Ashera sa tabi nito.”
31 Sumagot si Joash sa mga taong galit na nakapaligid sa kanya, “Nakikipagtalo ba kayo sa akin para kay Baal? Ipinagtatanggol nʼyo ba siya? Ang nagtatanggol sa kanya ang dapat patayin sa umagang ito. Kung si Baal ay totoong dios, maipagtatanggol niya ang sarili niya sa gumiba ng altar niya.”
32 Mula noon, tinawag si Gideon na “Jerubaal” na ang ibig sabihin ay “Hayaang ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili,” dahil giniba niya ang altar nito.
33 Ngayon, nagkaisa ang mga Midianita, Amalekita at iba pang mga tao sa silangan sa paglaban sa Israel. Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagkampo sa Lambak ng Jezreel.
34 Ginabayan si Gideon ng Espiritu ng Panginoon at pinatunog niya ang trumpeta para tawagin ang mga angkan ni Abiezer para sumunod sa kanya.
35 Nagsugo rin siya ng mga mensahero sa buong lahi nina Manase, Asher, Zebulun at Naftali para tawagin sila na sumama sa pakikipaglaban. At sumama sila kay Gideon.
36 Sinabi ni Gideon sa Dios, “Sinabi nʼyo po na gagamitin nʼyo ako para iligtas ang Israel.