1 Ito ang mensahe ng Panginoon tungkol sa Samaria at Jerusalem. Ipinahayag niya ito kay Micas na taga-Moreshet noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Jotam, Ahaz at Hezekia. Sinabi ni Micas:
2 Makinig kayong mabuti, lahat kayong mga mamamayan sa buong mundo. Sapagkat sasaksi ang Panginoong Dios laban sa inyo mula sa kanyang banal na templo.
3 Makinig kayo! Lalabas ang Panginoon mula sa kanyang tahanan. Bababa siya at lalakad sa matataas na bahagi ng mundo.
4 Ang mga bundok na kanyang malalakaran ay matutunaw na parang mga kandila na nadikit sa apoy, at magiging lubak-lubak ang mga patag na kanyang malalakaran na parang dinaanan ng tubig na umagos mula sa matarik na lugar.
5 Mangyayari ang lahat ng ito dahil sa mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda. Ang mga taga-Samaria ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Israel para magkasala. At ang mga taga-Jerusalem naman ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Juda para sumamba sa mga dios-diosan.
6 Kaya sinabi ng Panginoon, “Gigibain ko ang Samaria at tataniman na lang ito ng mga ubas. Pagugulungin ko ang mga bato nito papunta sa kapatagan hanggang sa makita ang mga pundasyon nito.
7 Madudurog ang lahat ng imahen ng dios-diosan ng Samaria, at masusunog ang lahat ng ibinayad ng mga lalaki sa kanilang pakikipagtalik sa mga babaeng bayaran sa templo. Nakapagtipon ng mga imahen ang Samaria sa pamamagitan ng mga ibinayad sa mga babaeng bayaran sa templo, kaya kukunin ng kanyang mga kalaban ang mga pilak at ginto na binalot sa mga imahen para gamitin din ng kanyang mga kalaban na pambayad sa mga babaeng bayaran sa kanilang templo.”
8 Sinabi pa ni Micas: Dahil sa pagkawasak ng Samaria, iiyak ako at magdadalamhati. Maglalakad ako nang nakapaa at nakahubad para ipakita ang aking kalungkutan. Iiyak ako nang malakas na parang asong-gubat at tulad ng paghuni ng kuwago.
9 Sapagkat ang pagkagiba ng Samaria ay parang sugat na hindi na gagaling, at mangyayari rin ito sa Juda hanggang sa Jerusalem na siyang kabisera na lungsod ng aking mga kababayan.
10 Mga taga-Juda, huwag ninyong ibalita sa ating mga kalaban na mga taga-Gat ang tungkol sa darating na kapahamakan sa atin. Huwag ninyong ipapakita na umiiyak kayo. Doon ninyo ipakita sa bayan ng Bet Leafra ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng paggulong sa lupa.
11 Mga mamamayan ng Shafir, bibihagin kayo at dadalhing nakahubad, kaya mapapahiya kayo. Ang mga mamamayan ng Zaanan ay matatakot lumabas sa kanilang bayan para tulungan kayo. Ang mga taga-Bet Ezel ay hindi rin makakatulong sa inyo dahil sila rin ay umiiyak sa kapahamakang dumating sa kanila.
12 Ang totoo, ang mga taga-Marot ay matiyagang naghihintay sa pagtigil ng digmaan. Pero mabibigo sila dahil niloob ng Panginoon na makarating ang mga kalaban sa pintuan ng Jerusalem.
13 Mga mamamayan ng Lakish, isingkaw ninyo ang mga kabayo sa karwahe at tumakas kayo. Ginaya ninyo ang kasalanang ginawa ng mga taga-Israel, at dahil sa inyoʼy nagkasala rin ang mga taga-Zion.
14 Kayong mga taga-Juda, magpaalam na kayo sa bayan ng Moreshet Gat dahil sasakupin na rin iyan ng mga kalaban. Sasakupin din ang bayan ng Aczib, kaya wala nang maaasahang tulong ang inyong mga hari mula sa bayang iyon.
15 Kayong mga mamamayan ng Maresha, padadalhan kayo ng Panginoon ng kalaban na sasakop sa inyo.Mga taga-Juda, ang inyong mga pinuno ay magtatago sa kweba ng Adulam.
16 Kukunin sa inyo ang pinakamamahal ninyong mga anak at dadalhin sa ibang bayan, kaya magluluksa kayo para sa kanila at ipapakita ninyo ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng pagpapakalbo na parang ulo ng agila.