1 Sinabi ni Micas: Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Hindi baʼt kayo ang dapat magpatupad ng katarungan?
2-3 Pero ayaw ninyo ang mabuti at gusto ninyo ang masama. Ginigipit ninyo ang aking mga kababayan, na parang binabalatan ninyo sila at inaalisan ng laman ang kanilang mga buto, pagkatapos ay tinatadtad ang mga buto at hinihiwa ang mga laman at saka niluluto at kinakain.
4 Sa araw ng pagpaparusa sa inyo, hihingi kayo ng tulong sa Panginoon, pero hindi niya kayo tutulungan; itatakwil niya kayo dahil sa inyong kasamaang ginagawa.
5 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga propetang nanlinlang sa kanyang mga mamamayan, na nangangako ng mabuting kalagayan sa mga nagpapakain sa kanila, pero binabantaan nila ng kapahamakan ang ayaw magpakain sa kanila:
6 “Dahil iniligaw ninyo ang aking mga mamamayan, hindi na kayo magkakaroon ng mga pangitain at hindi na kayo makapanghuhula. Para kayong nasa dilim na wala kayong makikita.
7 Mapapahiya kayong mga propeta at manghuhula. Magtatakip kayo ng mukha sa sobrang hiya, dahil wala na kayong natatanggap na mensahe mula sa Dios.”
8 Pero ako ay puspos ng Espiritu ng Panginoon na siyang nagbibigay sa akin ng kapangyarihan para maipatupad ko ang katarungan, at nagpapalakas ng loob ko para masabi sa mga mamamayan ng Israel at Juda na nagkasala sila.
9 Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Ayaw ninyong pairalin ang katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran.
10 Itinatayo ninyo ang Zion sa pamamagitan ng masamang paraan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito.
11 Humahatol kayo panig sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo. At kayong mga pari ay nagpapabayad sa pagtuturo. Ganoon din kayong mga propeta, nanghuhula kayo dahil sa pera. Umaasa rin kayong tutulungan kayo ng Panginoon, dahil ayon sa inyo, “Kasama namin ang Panginoon. Kaya walang anumang masamang mangyayari sa amin.”
12 Kaya dahil sa inyo, gigibain ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Magiging katulad ito ng inararong bukid, at magiging bunton ng mga gumuhong gusali. At magiging gubat ang bundok na kinatatayuan ng templo.