4 Ang mga bundok na kanyang malalakaran ay matutunaw na parang mga kandila na nadikit sa apoy, at magiging lubak-lubak ang mga patag na kanyang malalakaran na parang dinaanan ng tubig na umagos mula sa matarik na lugar.
5 Mangyayari ang lahat ng ito dahil sa mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda. Ang mga taga-Samaria ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Israel para magkasala. At ang mga taga-Jerusalem naman ang nag-udyok sa ibang mga mamamayan ng Juda para sumamba sa mga dios-diosan.
6 Kaya sinabi ng Panginoon, “Gigibain ko ang Samaria at tataniman na lang ito ng mga ubas. Pagugulungin ko ang mga bato nito papunta sa kapatagan hanggang sa makita ang mga pundasyon nito.
7 Madudurog ang lahat ng imahen ng dios-diosan ng Samaria, at masusunog ang lahat ng ibinayad ng mga lalaki sa kanilang pakikipagtalik sa mga babaeng bayaran sa templo. Nakapagtipon ng mga imahen ang Samaria sa pamamagitan ng mga ibinayad sa mga babaeng bayaran sa templo, kaya kukunin ng kanyang mga kalaban ang mga pilak at ginto na binalot sa mga imahen para gamitin din ng kanyang mga kalaban na pambayad sa mga babaeng bayaran sa kanilang templo.”
8 Sinabi pa ni Micas: Dahil sa pagkawasak ng Samaria, iiyak ako at magdadalamhati. Maglalakad ako nang nakapaa at nakahubad para ipakita ang aking kalungkutan. Iiyak ako nang malakas na parang asong-gubat at tulad ng paghuni ng kuwago.
9 Sapagkat ang pagkagiba ng Samaria ay parang sugat na hindi na gagaling, at mangyayari rin ito sa Juda hanggang sa Jerusalem na siyang kabisera na lungsod ng aking mga kababayan.
10 Mga taga-Juda, huwag ninyong ibalita sa ating mga kalaban na mga taga-Gat ang tungkol sa darating na kapahamakan sa atin. Huwag ninyong ipapakita na umiiyak kayo. Doon ninyo ipakita sa bayan ng Bet Leafra ang inyong kalungkutan sa pamamagitan ng paggulong sa lupa.