10 Kinuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan niya. Sa temploʼy nakita niyang pumapasok ang mga taong hindi pinahihintulutan ng Panginoon na pumasok doon.
11 Ang mga mamamayan niyaʼy dumadaing habang naghahanap ng pagkain. Ipinagpalit nila ang kanilang mga kayamanan para sa pagkain upang mabuhay. Sinabi ng Jerusalem, “O Panginoon, pagmasdan nʼyo ako dahil akoʼy nasa kahihiyan.”
12 Sinabi rin niya sa mga dumaraan, “Balewala lang ba ito sa inyo? May nakita ba kayong naghirap na kagaya ko? Ang paghihirap na ito ay ipinataw sa akin ng Panginoon nang magalit siya sa akin.
13 Mula sa langit, nagpadala siya ng apoy na tila sumusunog sa aking mga buto. Naglagay siya ng bitag para sa aking mga paa at nahuli ako. Iniwanan niya akong nanghihina buong araw.
14 Inipon niya ang lahat ng aking mga kasalanan at inilagay sa aking batok bilang pamatok. At ito ang nagdala sa akin sa pagkabihag. Pinanghina ako ng Panginoon at ibinigay sa kamay ng mga kaaway na hindi ko kayang labanan.
15 Itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mga kawal ko. Tinipon niya ang aking mga kaaway para lipulin ang aking mga kabataang sundalo. Ang mga mamamayan ng Juda ay naging tulad ng ubas na ipinasok ng Panginoon sa pigaan at tinapak-tapakan.
16 Iyan ang dahilan kung bakit umiiyak ako. Walang nagpapalakas sa akin ni walang umaalo. Nakakaawa ang aking mga mamamayan dahil natalo sila ng kanilang mga kaaway.”