Panaghoy 3 ASND

1 Isa ako sa mga nakaranas ng parusa ng Panginoon dahil sa kanyang galit.

2 Pinalayas niya ako at pinalakad sa dilim sa halip na sa liwanag.

3 Paulit-ulit niya akong pinarusahan araw at gabi.

4 Pinahina ang aking katawan at binali ang aking mga buto.

5 Sinalakay niya ako at ibinilanggo sa paghihirap at pagdurusa.

6 Inilagay sa kadiliman na parang isang tao na matagal nang patay.

7 Kinadena niya ako at ikinulong upang hindi makatakas.

8 Kahit na humingi ako ng tulong, hindi niya ako pinakinggan.

9 Hinarangan niya ng pader ang aking landas, at pinaliku-liko ang aking dadaanan.

10 Para siyang oso o leon na nag-aabang upang salakayin ako.

11 Kinaladkad ako palayo sa daan at pagkatapos ay nilapa at iniwan.

12 Iniumang niya ang kanyang pana at itinutok sa akin.

13 Pinana niya ako at tumagos ito sa puso ko.

14 Naging katawa-tawa ako sa aking mga kalahi. Buong araw nila akong inaawitan ng pangungutya.

15 Pinuno niya ako ng labis na kapaitan.

16 Nabungi ang mga ngipin ko dahil pinakain niya ako ng graba, at saka tinapak-tapakan niya ako sa lupa.

17 Inalis niya ako sa maganda kong kalagayan at hindi ko na naranasan ang kasaganaan.

18 Nawala na ang karangalan ko at lahat ng pag-asa sa Panginoon.

19 Napakasakit isipin ang mga paghihirap at pagdurusa ko.

20 At kung palagi ko itong iisipin, manghihina ako.

21 Pero nanunumbalik ang pag-asa ko kapag naaalala ko na

22 ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol.

23 Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon!

24 Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang Panginoon ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.”

25 Mabuti ang Panginoon sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya.

26 Mabuting matiyagang maghintay sa pagliligtas ng Panginoon.

27 Mabuti para sa isang tao na kahit bata pa ay matuto nang sumunod.

28 Kapag tinuturuan tayo ng Panginoon, tumahimik tayo at pag-isipan itong mabuti.

29 Magpakumbaba tayo sa harap ng Panginoon at huwag mawalan ng pag-asa.

30 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa ang kabila. At tanggapin mo rin ang pangungutya ng iyong mga kaaway.

31 Dahil hindi tayo itatakwil ng Panginoon magpakailanman.

32 Pero kahit nagpaparusa siya, ipinapakita pa rin niya ang kanyang habag at ang napakalakiʼt walang hanggan niyang pag-ibig sa atin.

33 Dahil hindi siya natutuwa na tayoʼy saktan o pahirapan.

34 Ayaw ng Panginoon na apihin ang mga bilanggo,

35 o balewalain ang karapatan ng tao.

36 Ayaw din ng Kataas-taasang Dios na ipagkait ang katarungan sa sinumang tao. Nakikita niya ang lahat ng ito.

37 Walang anumang bagay na nangyayari na hindi pinahihintulutan ng Panginoon.

38 Ang Kataas-taasang Dios ang nagpapasya kung ang isang bagay na mabuti o masama ay mangyayari.

39 Kaya bakit tayo magrereklamo kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan?

40 Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa Panginoon.

41 Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Dios na nasa langit at sabihin:

42 “Panginoon, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo, at hindi nʼyo kami pinatawad.

43 Nagalit kayo sa amin at inusig kami at walang awang pinatay.

44 Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili para hindi nʼyo marinig ang aming mga dalangin.

45 Ginawa nʼyo kaming parang basura sa paningin ng ibaʼt ibang bansa.

46 Kinutya kami ng lahat ng aming mga kaaway.

47 Dumanas kami ng matinding takot, panganib, pagkasira at kapahamakan.”

48 Napaluha ako dahil sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi.

49 Patuloy akong iiyak

50 hanggang sa tumunghay ang Panginoon mula sa langit.

51 Labis akong nasaktan sa sinapit ng mga kababaihan ng aking lungsod.

52 Hinahabol ako ng aking mga kaaway na parang isang ibon, kahit na wala naman akong nagawang kasalanan sa kanila.

53 Sinubukan nila akong patayin sa pamamagitan ng pambabato at paghulog sa balon.

54 Halos malunod na ako at ang akala koʼy mamamatay na ako.

55 Doon sa ilalim ng balon, tumawag ako sa inyo Panginoon.

56 Pinakinggan nʼyo ang pagmamakaawa ko at paghingi ng tulong.

57 Dumating kayo nang akoʼy tumawag at sinabi nʼyong huwag akong matakot.

58 Tinulungan nʼyo ako sa problema ko Panginoon, at iniligtas nʼyo ang buhay ko.

59 Panginoon, nakita nʼyo ang kasamaang ginawa sa akin ng aking mga kaaway, kaya bigyan nʼyo ako ng katarungan.

60 Alam nʼyo kung paano nila ako pinaghigantihan at ang lahat ng binabalak nila laban sa akin.

61 Napakinggan nʼyo, O Panginoon, ang mga pangungutya nila at alam nʼyo ang lahat ng binabalak nila laban sa akin.

62 Buong araw nilang pinag-uusapan ang pinaplano nilang masama laban sa akin.

63 Masdan nʼyo, nakaupo man sila o nakatayo, kinukutya nila ako sa pamamagitan ng pag-awit.

64 Panginoon, parusahan nʼyo sila ayon sa kanilang ginagawa.

65 Patigasin nʼyo ang mga puso nila at sumpain nʼyo sila.

66 Sa galit nʼyo Panginoon, habulin nʼyo sila at lipulin nang mawala na sila sa mundong ito.

mga Kabanata

1 2 3 4 5