1 Panginoon, alalahanin nʼyo po ang nangyari sa amin. Masdan nʼyo ang dinanas naming kahihiyan.
2 Kinuha ng mga dayuhan ang mga lupaʼt bahay namin.
3 Naulila kami sa ama, kaya nabiyuda ang aming mga ina.
4 Kinakailangang bayaran pa namin ang tubig na aming iniinom at ang kahoy na aming ipinanggagatong.
5 Pinagtatrabaho kaming parang mga hayop at hindi man lang pinagpapahinga.
6 Nagpasakop kami sa mga taga-Egipto at Asiria para magkaroon ng pagkain.
7 Ang mga ninuno naming patay na ang nagkasala pero kami ngayon ang nagdurusa dahil sa kanilang kasalanan.
8 Napailalim kami sa mga alipin at walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay.
9 Sa paghahanap namin ng pagkain, nanganib ang aming mga buhay sa mga armadong tao sa disyerto.
10 Nilalagnat kami dahil sa matinding gutom, at ang aming katawan ay kasing init ng pugon.
11 Pinagsamantalahan ang mga asawa namin sa Jerusalem at ang mga anak naming babae sa mga bayan ng Juda.
12 Ibinitin sa pamamagitan ng pagtali sa kamay ang aming mga tagapamahala at hindi iginalang ang aming matatanda.
13 Ang aming mga kabataang lalaki ay parang aliping sapilitang pinagtrabaho sa mga gilingan at ang mga batang lalaki ay nagkandasuray-suray sa pagpasan ng mabibigat na kahoy.
14 Ang matatanda ay hindi na umuupo sa mga pintuan ng lungsod para magbigay ng payo at ang mga kabataang lalaki ay hindi na tumutugtog ng musika.
15 Wala na kaming kagalakan. Sa halip na magsayaw, nagdadalamhati kami.
16 Wala na rin kaming karangalan. Nakakaawa kami dahil kami ay nagkasala.
17 Dahil dito, nasasaktan ang aming damdamin at nagdidilim ang aming paningin.
18 Dahil napakalungkot na ng Jerusalem at mga asong-gubat na lamang ang gumagala rito.
19 O Panginoon, maghahari kayo magpakailanman. Ang inyong paghahari ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
20 Bakit palagi nʼyo kaming kinakalimutan? Bakit kay tagal nʼyo kaming pinabayaan?
21 Ibalik nʼyo kami sa inyo, at kami ay babalik. Ibalik nʼyo kami sa dati naming kalagayan.
22 Talaga bang sobra na ang galit nʼyo sa amin kaya itinakwil nʼyo na kami?