1-3 Ako si Ezekiel, isang pari at anak ni Buzi. Isa rin ako sa mga bihag na dinala sa Babilonia. Nakatira ako noon sa pampang ng Ilog ng Kebar kasama ang iba pang mga bihag nang biglang bumukas ang langit. Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at ipinakita niya sa akin ang mga pangitain. Nangyari ito noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan nang ika-30 taon. Ikalimang taon ito nang pagkakabihag ni Haring Jehoyakin.
4 Habang nakatingin ako, may nakita akong bagyong paparating mula sa hilaga. Kumikidlat mula sa makapal na ulap kaya nagliliwanag ang paligid. Parang kumikinang na tanso ang kidlat sa gitna ng ulap.
5 Sa gitna ng ulap, may nakita akong apat na buhay na nilalang, parang mga tao,
6-8 pero bawat isa sa kanila ay may apat na mukha at apat na pakpak. Tuwid ang kanilang mga binti at ang mga paa nila ay parang paa ng baka, kumikinang ito na parang tanso. May mga kamay silang katulad ng kamay ng tao na nasa ilalim ng kanilang mga pakpak.
9 Magkakadikit ang mga pakpak nila. Lumilipad sila nang sabay-sabay sa kahit saang direksyon nang hindi bumabaling.
10 Sa harap ay mukha silang tao, sa kanan ay mukhang leon, sa kaliwa ay mukhang toro at sa likod ay mukhang agila.
11 Ang dalawa sa mga pakpak nila ay nakabuka pataas at magkadikit ang mga dulo, at ang dalawa pa nilang pakpak ay tumatakip sa katawan nila.
12 Lumilipad sila nang sabay-sabay sa kahit saang direksyon nang hindi bumabaling. At kung saan sila dalhin ng Espiritu, doon sila pumupunta.
13 Parang nagniningas na baga o mga sulo ang itsura nila. Sa pagitan nilaʼy may apoy na nagliliwanag at mula rin ditoʼy may kidlat na lumalabas
14 Ang mga buhay na nilalang na itoʼy nagpaparooʼt parito na kasimbilis ng kidlat.
15 Habang nakatingin ako sa apat na buhay na nilalang, nakita kong ang bawat isa sa kanila ay may gulong sa ilalim. Ang apat na gulong ay nakasayad sa lupa.
16 Ganito ang anyo ng mga gulong: Kumikislap ang mga ito na parang mamahaling batongkrisolito at magkakapareho ang kanilang anyo. Ang bawat gulong ay may isa pang gulong sa loob na nakakrus.
17 Kaya nakakapunta ang mga gulong na ito at ang mga buhay na nilalang kahit saang direksyon nang hindi na kailangang bumaling pa.
18 Ang gilid ng mga gulong ay malapad at nakakatakot dahil puno ng mga mata.
19 Kasama ng apat na buhay na nilalang ang mga gulong kahit saan sila pumunta, at kapag umaangat sila, umaangat din ang mga gulong.
20 Ang espiritu ng apat na buhay na nilalang ay nasa gulong. Kaya saan man pumunta ang espiritu, doon din pumupunta ang apat na buhay na nilalang at ang mga gulong.
21 Kapag lumakad ang mga buhay na nilalang, kasama rin ang mga gulong. Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga ito. At kapag lumipad sila, lumilipad din ang mga gulong dahil ang espiritu nila ay nasa gulong.
22 Sa itaas ng ulo ng mga buhay na nilalang ay may nakatabon na tila kristal na nakakasilaw at kahanga-hangang tingnan.
23 Sa ilalim nito, ang dalawang pakpak ng bawat buhay na nilalang ay nakabuka, at nagpapang-abot ang dulo ng mga pakpak ng bawat isa. Ang dalawang pakpak naman nila ay tumatakip sa kanilang katawan.
24 Kapag lumipad sila, ang pagaspas ng mga pakpak nila ay parang ugong ng rumaragasang tubig o kayaʼy parang tinig ng makapangyarihang Dios o ingay ng napakaraming hukbo. At kapag tumigil sila, ibinababa nila ang kanilang pakpak.
25 Habang nakababa ang mga pakpak nila, may tinig na nagmumula sa itaas nila.
26 Sa ibabaw nila ay may tila tronong gawa sa mga batong safiro at may parang tao sa tronong iyon.
27 Mula baywang pataas para siyang nagniningning na metal, at mula sa kanyang baywang pababa para siyang apoy na nagliliyab at napapalibutan ng nakasisilaw na liwanag.
28 Ang liwanag na iyon sa paligid niya ay parang bahaghari pagkatapos ng ulan.Ganoon ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. At nang makita ko iyon, lumuhod ako at narinig kong may tinig na nagsasalita sa akin.