Ezekiel 44 ASND

Mga Tuntunin sa Templo

1 Muli akong dinala ng tao sa pintuang palabas ng templo sa gawing silangan, pero nakasarado ito.

2 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang pintuang ito ay kinakailangang palaging nakasara at hindi dapat buksan para walang makadaan, dahil ako, ang Panginoong Dios ng Israel ay dumaan dito.

3 Ang pinuno lang ng Israel ang makakaupo rito sa daanan para kumain ng inihandog sa akin, pero roon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya lalabas.”

4 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa harap ng templo. Doon kami dumaan sa daanan sa gawing hilaga. Nakita ko roon ang dakilang presensya ng Panginoon na nakapalibot sa templo niya, at nagpatirapa ako.

5 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo tungkol sa lahat ng tuntunin sa aking templo. Alamin mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok at ang hindi.

6 Sabihin mo sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ng Israel, tigilan na ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa.

7 Pinapapasok ninyo sa aking templo ang mga dayuhang hindi naniniwala sa akin. Sa ganitong paraan, dinudungisan ninyo ang templo ko kahit na naghahandog pa kayo ng mga pagkain, taba, at dugo. Maliban sa kasuklam-suklam ninyong ginagawa, nilalabag pa ninyo ang kasunduan ko.

8 Sa halip na kayo ang mamamahala sa mga banal na bagay sa templo, ipinauubaya ninyo ito sa ibang tao.

9 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, walang dayuhan na hindi naniniwala sa akin ang papayagang pumasok sa templo ko, kahit na ang mga dayuhang nakatira kasama ninyo.

10 “Tungkol naman sa mga Levita na tumalikod sa akin at sumama sa ibang Israelita na sumamba sa mga dios-diosan, pagdurusahan nila ang kasalanan nila.

11 Maaari silang maglingkod sa akin bilang mga tagapagbantay sa pintuan at tagakatay ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog ng mga tao. Maaari rin silang maglingkod sa mga tao sa templo.

12 Ngunit dahil sumamba sila sa mga dios-diosan habang naglilingkod sa mga tao, at dahil din dooʼy nagkasala ang mga mamamayan ng Israel, isinusumpa kong pagdurusahan nila ang kasalanan nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

13 Mula ngayon, hindi ko na sila papayagang maglingkod sa akin bilang pari. Hindi rin sila papayagang humipo man lang ng aking mga banal na bagay o makapasok sa Pinakabanal na Lugar. Kinakailangan nilang magtiis ng kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang ginawa.

14 Gagawin ko na lang silang mga katulong sa lahat ng gawain sa templo.

15 “Ngunit ang mga paring Levita na mula sa angkan ni Zadok na naging tapat sa paglilingkod sa akin sa templo nang tumalikod ang mga Israelita ay patuloy na makapaglilingkod sa akin. Sila ang maghahandog sa akin ng taba at dugo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

16 Sila lang ang maaaring pumasok sa templo ko at makalalapit sa aking altar upang maglingkod sa akin. At sila lang din ang pwedeng mamamahala sa pagsamba sa templo.

17 Kapag pumasok sila sa daanan patungo sa bakuran sa loob ng templo, kinakailangang magbihis sila ng damit na gawa sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang damit na gawa sa lana habang naglilingkod sa bakuran sa loob o sa loob ng templo.

18 Kinakailangang magsuot din sila ng turban na gawa sa telang linen at magsuot ng pang-ilalim na damit na gawa rin sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang makapagpapapawis sa kanila.

19 At kapag lumabas na sila sa bulwagan sa labas na kinaroroonan ng mga tao, kinakailangang hubarin muna nila ang mga damit na ginamit nila sa paglilingkod at ilagay doon sa banal na silid, at saka sila magsuot ng pangkaraniwang damit para hindi mapinsala ang mga tao sa kabanalan nito.

20 “Hindi rin sila dapat magpakalbo o magpahaba ng buhok, dapat lagi silang magpagupit.

21 Hindi rin sila dapat uminom ng alak kung pupunta sa loob na bakuran ng templo.

22 Hindi sila dapat mag-asawa ng biyuda o ng hiwalay sa asawa. Ang kunin nilang asawa ay kapwa Israelita o biyuda ng kapwa nila pari.

23 Tuturuan nila ang mga mamamayan ko kung alin ang banal at hindi banal, kung alin ang malinis at hindi malinis.

24 Kapag may alitan, ang mga pari ang hahatol batay sa mga kautusan ko. Kinakailangang sundin nila ang mga utos ko at mga tuntunin tungkol sa mga pistang itinakda kong sundin, at dapat nilang ituring na banal ang Araw ng Pamamahinga.

25 Huwag nilang dudungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paghipo sa bangkay, maliban lang kung ang namatay ay kanyang ama o ina, anak o kapatid na wala pang asawa.

26 Kapag nakahipo siya ng bangkay, kailangan niya ang paglilinis at maghintay ng pitong araw,

27 bago siya makapasok sa bakuran sa loob ng templo at mag-alay ng handog sa paglilinis para sa kanyang sarili. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

28 Sinabi pa ng Panginoon, “Walang mamanahing lupa ang mga pari ng Israel, dahil ako ang magbibigay ng mga pangangailangan nila.

29 Ang pagkain nila ay magmumula sa mga handog ng pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan. Ang anumang bagay na itinalaga para sa akin ay para sa kanila.

30 Ang pinakamagandang unang ani ninyo at mga natatanging handog para sa akin ay para sa mga pari. Bigyan din ninyo ng inyong pinakamagandang klase ng harina ang mga pari, para pagpalain ang sambahayan ninyo.

31 Ang mga pari ay hindi dapat kumain ng anumang ibon o hayop na basta na lang namatay o pinatay ng ibang hayop.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48