1 Noong unang araw ng buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi ng Panginoon sa akin,
2 “Anak ng tao, natuwa ang mga taga-Tyre nang mawasak ang Jerusalem. Ang sabi nila, ‘Nawasak na ang pangunahing pinupuntahan ng mga mangangalakal kaya dito na sila pupunta sa atin at tayo naman ang uunlad.’
3 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing kakalabanin ko ang Tyre. Ipasasalakay ko sila sa maraming bansa, darating ang mga ito na parang rumaragasang alon.
4 Gigibain ang mga pader niya at wawasakin ang kanyang mga tore. Kakalkalin nila ang lupain niya hanggang sa walang matira kundi mga bato.
5 At magiging bilaran na lang ito ng mga lambat ng mangingisda. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Ipauubaya ko ang Tyre sa ibang mga bansa at sasamsamin nila ang mga ari-arian niya.
6 Ang mga mamamayan niya sa mga bukid ay papatayin sa pamamagitan ng espada, at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
7 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Mga taga-Tyre, ipasasalakay ko kayo sa hari ng mga hari, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakay siya mula sa hilaga kasama ang maraming sundalo, mga karwahe, mga kabayo at mga mangangabayo.
8 Ang mga mamamayan ninyo sa baryo ay ipapapatay niya sa pamamagitan ng espada. Sasalakay ang kanyang mga sundalo dala ang mga pangwasak ng pader, at tatambakan nila ng lupa ang gilid ng inyong mga pader para maakyat ito.
9 Ipapawasak niya ang mga pader ninyo sa pamamagitan ng trosong pangwasak nito at ang mga tore ninyo sa pamamagitan ng maso.
10 Matatabunan kayo ng alikabok dahil sa dami ng kabayong gagamitin niya sa pagsalakay. Mayayanig ang mga pader ninyo dahil sa yabag ng mga kabayo at karwaheng papasok sa giba ninyong lungsod.
11 Mapupuno ng nagtatakbuhang kabayo ang mga lansangan ninyo at papatayin nila ang mga mamamayan ninyo sa pamamagitan ng espada. Mabubuwal ang matitibay na haligi ninyo.
12 Sasamsamin nila ang mga kayamanan at paninda ninyo. Wawasakin din nila ang mga pader at magagandang bahay ninyo. At itatapon nila sa dagat ang mga bato, kahoy at ang mga matitira sa winasak.
13 Patitigilin ko ang mga awitan ninyo at pagtugtog ng alpa.
14 Ang lugar ninyo ay gagawin kong isang malapad na bato at magiging tuyuan na lang ng lambat ng mga mangingisda. Hindi na maitatayong muli ang lungsod ninyo. Mangyayari ito dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
15 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa mga taga-Tyre, “Ang mga nakatira sa tabing-dagat ay manginginig sa takot kapag narinig nila ang pagkawasak ninyoʼt pagkamatay, at ang pagdaing ng inyong mga sugatan.
16 Ang mga hari sa mga tabing-dagat ay bababa sa kanilang trono, huhubarin ang kanilang mga damit panghari at naggagandahang damit-panloob. Uupo sila sa lupa na nanginginig sa takot dahil sa sinapit mo.
17 At tataghoy sila nang ganito para sa iyo: Paano kang bumagsak, ikaw na tanyag na lungsod na tinatahanan ng mga tao sa tabing-dagat? Makapangyarihan ka sa karagatan at kinatatakutan ng lahat.
18 At ngayon, ang mga nakatira sa tabing-dagat ay nanginginig sa takot dahil sa iyong pagkawasak.”
19 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “O Tyre, magiging mapanglaw kang lungsod, isang lungsod na walang nakatira. Ibabaon kita sa malalim na tubig.
20 Ililibing kita sa kailaliman kasama ng mga tao noong unang panahon. Mananatili kang wasak sa ilalim ng lupa kasama ng mga taong naibaon doon, at hindi ka na makakabalik sa lugar ng mga buhay.
21 Tatapusin na kita, at nakakatakot ang magiging katapusan mo. Mawawala ka na at kahit hanapin ka, hindi ka na matatagpuan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”