1 Sinabi sa akin ng Panginoon,
2 “Anak ng tao, noon ay may magkapatid na babae.
3 Nang mga bata pa sila, ibinenta nila ang kanilang dangal doon sa Egipto. Hinayaan nilang magpasasa ang mga lalaki sa kanilang katawan.
4 Si Ohola ang panganay at ang bunso naman ay si Oholiba. Naging asawa ko ang dalawang ito at nagkaroon kami ng mga anak. Si Ohola ay ang Samaria at si Oholiba naman ay ang Jerusalem.
5 “Kahit na asawa ko na si Ohola, patuloy pa rin siyang nagpapagamit sa iba at nahumaling siya sa mga mangingibig niyang sundalo ng Asiria.
6 Makikisig ang mga ito at nasa kasibulan ng kabataan. Matataas ang katungkulan ng mga ito, nakauniporme ng kulay asul at nakasakay sa kabayo.
7 Nagpagamit si Ohola sa lahat ng opisyal ng Asiria, at dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa kanilang mga dios-diosan.
8 Hindi niya itinigil ang mahahalay niyang gawain na sinimulan niya noong nasa Egipto pa siya. Bata pa lang siya, nakiapid na siya at ang mga lalaki ay nagpasasa sa katawan niya.
9 “Kaya, pinabayaan ko na siya sa mga mangingibig niyang taga-Asiria na kinahuhumalingan niya.
10 Hinubaran nila siya, kinuha ang mga anak niya at pinatay sa pamamagitan ng espada. Naging usap-usapan ng mga kababaihan itong nangyaring parusa sa kanya.
11 “Kahit nakita ni Oholiba ang nangyaring ito sa kapatid niya, nagpatuloy pa rin siya sa mahahalay niyang gawain at naging mas masama pa kaysa sa kanyang kapatid.
12 Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria na makikisig at nasa kasibulan ng kanilang kabataan. Pinuno ng mga sundalo ang mga ito, nakauniporme at nakasakay sa kabayo.
13 Nakita kong katulad din siya ng kapatid niya. Dinungisan din niya ang kanyang sarili.
14-15 “Patuloy na nagbenta ng kanyang dangal si Oholiba. Nagkagusto siya sa mga opisyal ng Babilonia nang makita niya ang mga larawan ng mga ito sa mga pader. Nakapulang uniporme sila, may sinturon sa baywang at nakaturban.
16 Dahil nagustuhan niya sila, pinaimbitahan niya ang mga ito na bumisita sa kanya.
17 Kaya dumalaw ang mga ito at sumiping sa kanya. Sa pagsiping nila sa kanya, dinungisan nila siya. Pero kinalaunan, nagsawa rin siya at hindi na nagpagamit sa kanila.
18 “Kinasuklaman ko si Oholiba at itinakwil tulad ng kapatid niya dahil patuloy niyang ipinagbibili ang kanyang dangal.
19 Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin siya sa pagbebenta ng kanyang dangal tulad ng ginawa niya roon sa Egipto noong kabataan niya.
20 Nahumaling siya sa mga kalaguyo niya, na ang ari ay kasinlaki ng sa asno at ang binhi ay kasindami ng sa kabayo.
21 Kaya pinanabikan mo Oholiba ang iyong mahalay na gawain na ginawa mo sa Egipto noong kabataan mo, nang ang mga lalaki roon ay nagpasasa sa katawan mo.
22 “Kaya, ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi sa iyo nito Oholiba, ipapasalakay kita sa mga kalaguyo mong itinakwil mo at pinagsawaan.
23 Sila ay ang mga taga-Babilonia at mga Caldeong mula sa Pekod, Shoa, Koa at ang mga taga-Asiria. Ang mga taga-Asiriang ito ay makikisig at batang-bata. Matataas ang katungkulan nila at nakasakay sa mga kabayo.
24 Lulusob sila sa iyo mula sa hilaga na may maraming sundalo, mga kabayo, at mga karwahe. May mga pananggalang sila at nakahelmet, kukubkubin ka nila. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo at parurusahan ka nila kung ano ang sa tingin nila ay nararapat sa iyo.
25 Sa tindi ng galit ko sa iyo, inatasan ko silang parusahan ka. At sa galit nilaʼy puputulin nila ang ilong mo at mga tainga. Bibihagin nila ang iyong mga anak, at ang matitira sa iyo ay papatayin nila sa pamamagitan ng espada o apoy.
26 Huhubaran ka rin nila at kukunin ang mga alahas mo.
27 Matitigil na ang kahalayan mo at pagpapagamit sa iba na sinimulan mo sa Egipto. Hindi mo na iyon maaalala at makakalimutan mo na ang Egipto.
28 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabing ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo; ang mga taong itinakwil mo matapos mong pagsawaan.
29 Sa galit nila, parurusahan ka nila at sasamsamin ang lahat ng pinagpaguran mo. Iiwanan ka nilang hubad at makikita ng mga tao ang kahiya-hiya mong kalagayan dahil sa kahalayan mo at pagpapagamit sa iba.
30 Iyan ang nagdala sa iyo sa kapahamakan, dahil nakiapid ka sa mga taga-ibang bansa at dinungisan mo ang sarili mo sa pagsamba sa dios-diosan nila.
31 Tinularan mo ang ginawa ng kapatid mo, kaya parurusahan kita katulad ng pagpaparusa ko sa kanya.
32 “Oo, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing, parurusahan kita tulad ng pagpaparusa ko sa iyong kapatid. Ang parusa koʼy tulad ng inuming nakalagay sa isang malaki at malalim na tasa. At kapag nainom mo na ang laman ng tasang ito, kukutyain ka at pagtatawanan dahil puno ito ng galit ko.
33 Malalasing kaʼt malulungkot dahil ang tasang itoʼy puno ng kapahamakan. Ito ang tasa ng paghihirap na ininom ng kapatid mong Samaria.
34 Iinumin mong lahat ang laman nito at babasagin mo ang tasa. Dadagukan mo ang iyong dibdib sa labis na kalungkutan. Mangyayari ito, dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
35 At dahil kinalimutan mo akoʼt itinakwil, ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing maghihirap ka dahil sa kahalayan mo at sa pagpapagamit mo ng iyong katawan.”
36 Muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, hatulan mo sina Ohola at Oholiba. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain.
37 Sapagkat nakiapid sila at pumatay. Nakikiapid sila sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. At ang mga anak nila na itinalaga sa akin nang isilang ay siya mismong inialay nila sa mga dios-diosan bilang pagkain nito.
38-39 Ito pa ang ginawa nila sa akin: Nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga at ang aking templo. Nilapastangan nila ang templo ko sa pamamagitan ng paghahandog ng mga anak nila sa kanilang mga dios-diosan.
40 Nagpasundo pa sila ng mga lalaki mula sa malalayong lugar. At nang dumating ang mga lalaki, naligo sila, nagpaganda at nagsuot ng mga alahas.
41 Pagkatapos, naupo sila sa magandang higaan na may mesa sa harapan. Naglagay sila sa mesa ng insenso at langis na ihahandog sana sa akin.
42 Maririnig ang ingay ng mga lasing at ng mga taong walang magawa sa buhay, na galing sa ilang. Sinuotan nila ang mga babae ng pulseras at pinutungan ng magandang korona.
43 Pagkatapos, sinabi ko sa sarili ko, ‘Sige, magpakasawa na sila sa babaeng iyon na tumanda na sa pakikiapid.’
44 At iyon nga ang ginawa nila. Sumiping sila kay Ohola at Oholiba, ang mga babaeng marumi dahil sa kanilang kahalayan.
45 Ngunit parurusahan sila ng mga taong matuwid, parusang nararapat sa kanilang pakikiapid at pagpatay.
46 “Ako, ang Panginoong Dios, ay mag-uutos sa mga taong sasalakay sa kanila na takutin sila, sasamsamin ang kanilang mga ari-arian,
47 batuhin at patayin sa pamamagitan ng espada. Papatayin nila pati ang mga anak nila at susunugin pati ang kanilang mga bahay.
48 Sa ganitong paraan, mapapatigil ko ang kahalayan ng bansang ito. At magsisilbi itong babala sa iba na hindi nila dapat tularan ang ginawa ng dalawang babaeng ito.
49 At kayong magkapatid, pagdudusahan ninyo ang ginawa ninyong kahalayan, pati na ang pagsamba ninyo sa mga dios-diosan, at malalaman ninyo na ako, ang Panginoong Dios.”