1 Sinabi sa akin ng Panginoon,
2 “Ano ang ibig ninyong sabihin sa kasabihang ito sa Israel, ‘Ang mga magulang ay kumain ng maasim na ubas at ang asim nitoʼy matitikman pati ng kanilang mga anak?’
3 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nʼyo na babanggitin ang kasabihang ito sa Israel.
4 Makinig kayo! Akin ang lahat ng may buhay, maging ang buhay ng mga magulang o buhay ng mga anak. Ang taong nagkasala ang siyang mamamatay.
5 Halimbawa, may isang taong matuwid na ginagawa kung ano ang tama.
6 Hindi siya sumasamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa mga bundok. Hindi siya sumisiping sa asawa ng iba o sa babaeng may buwanang dalaw.
7 Hindi siya nang-aapi at ibinabalik niya ang mga isinangla ng mga nangungutang sa kanya. Hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit.
8 Hindi siya nagpapatubo kapag nagpapahiram ng pera. Hindi rin siya gumagawa ng masama at wala siyang kinakampihan sa kanyang paghatol.
9 Sinusunod niyang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. Ang taong ganito ay matuwid at patuloy na mabubuhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
10 “Pero kung may anak siyang lalaki na malupit at mamamatay-tao, o gumagawa ng sumusunod na masasamang gawain
11 na hindi ginawa ng kanyang ama: Kumakain siya ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa bundok at sumisiping sa asawa ng iba.
12 Nang-aapi ng mahihirap at nangangailangan. Nagnanakaw at hindi isinasauli ang isinangla ng mga nangutang sa kanya. Sumasamba sa mga dios-diosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay,
13 at nagpapatubo sa mga may utang sa kanya. Maliligtas kaya siya? Hindi! Mamamatay siya dahil sa mga ginawa niyang kasuklam-suklam at walang ibang dapat sisihin sa kamatayan niya kundi siya.
14 “Kung ang masamang taong ito ay may anak na lalaki at nakita niya ang lahat ng masamang ginawa ng kanyang ama pero hindi niya ito ginaya,
15 hindi siya sumamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa bundok, hindi siya sumisiping sa hindi niya asawa,
16 hindi siya nang-aapi at hindi niya inaangkin ang mga garantiya ng mga umutang sa kanya, hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit,
17 hindi siya gumagawa ng masama at hindi nagpapatubo sa may utang sa kanya, tinutupad niya ang mga utos koʼt mga tuntunin, ang taong itoʼy hindi mamamatay dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Patuloy siyang mabubuhay.
18 Pero ang kanyang ama ay mamamatay dahil mukha siyang pera, magnanakaw at gumagawa ng masama sa kanyang mga kababayan.
19 “Pero maaaring itanong ninyo kung bakit hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Kung ang anak ay matuwid, gumagawa ng tama at sinusunod ang mga tuntunin ko, patuloy siyang mabubuhay.
20 Ang taong nagkasala ang siyang dapat mamatay. Hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama at ang ama naman ay hindi dapat parusahan dahil sa kasalanan ng kanyang anak. Ang taong matuwid ay gagantimpalaan sa ginawa niyang kabutihan at ang taong masama ay parurusahan dahil sa ginawa niyang kasamaan.
21 “Ngunit kung ang taong masama ay magsisi sa lahat ng kasalanan niya at sumunod sa aking mga tuntunin at gumawa ng matuwid at tama, hindi siya mamamatay kundi patuloy na mabubuhay.
22 Hindi na siya mananagot sa lahat ng nagawa niyang kasalanan at dahil sa ginawa niyang matuwid, patuloy siyang mabubuhay.
23 Ako, ang Panginoong Dios ay hindi natutuwa kapag namamatay ang masama. Masaya ako kapag nagsisi siya at patuloy na mabuhay.
24 “Pero kung ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid, nagpakasama at gumawa pa ng kasuklam-suklam gaya ng ginagawa ng mga taong masama, patuloy pa rin kaya siyang mabubuhay? Siyempre hindi! Kalilimutan na ang mga ginawa niyang matuwid. At dahil sa pagtataksil niya sa akin at sa mga ginawa niyang kasalanan, mamamatay siya.
25 “Pero baka naman sabihin ninyo, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon.’ Makinig kayo, kayong mga mamamayan ng Israel! Ang ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo ang hindi tama?
26 Kapag ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid at magpakasama, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan.
27 Pero kung ang taong masama ay tumigil sa paggawa ng masama at gumawa ng matuwid at tama, maililigtas niya ang buhay niya.
28 Dahil inamin niya ang kasalanan niya at pinagsisihan ito, hindi siya mamamatay at patuloy na mabubuhay.
29 Ngunit baka sabihin ninyo mamamayan ng Israel, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon!’ Mga mamamayan ng Israel, ang mga ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo?”
30 “Kaya sinasabi ko sa inyo, mga mamamayan ng Israel, ako, ang Panginoong Dios, ako ang hahatol sa bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga ginawa. Kaya, magsisi na kayo! Talikuran na ninyo ang lahat ng inyong kasalanan para hindi kayo mapahamak.
31 Mga mamamayan ng Israel, bakit gusto ninyong mamatay? Tumigil na kayo sa paggawa ng kasalanan at baguhin na ang inyong pamumuhay.
32 Hindi ako natutuwa kapag may namamatay. Kaya magsisi na kayo para kayoʼy mabuhay! Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”