1 Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang aklat na ito, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at magsalita ka sa kanila.”
2 Kaya ibinuka ko ang bibig ko at isinubo niya sa akin ang nakabilot na aklat.
3 Sinabi niya sa akin, “Sige, kainin mo iyan at magpakabusog ka.” Kinain ko ang aklat, matamis ang lasa nito gaya ng pulot.
4 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at sabihin mo sa kanila ang ipinapasabi ko sa iyo.
5 Hindi kita isinusugo sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, kundi sa mga mamamayan ng Israel.
6 Sapagkat kung susuguin kita sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, tiyak na pakikinggan ka nila.
7 Pero ang mga mamamayan ng Israel ay hindi makikinig sa iyo, dahil ayaw nilang makinig sa akin. Lahat sila ay matitigas ang ulo at mga lapastangan.
8 Pero gagawin kitang mas matigas at mas manhid kaysa sa kanila
9 katulad ng isang batong matigas. Kaya huwag kang matatakot sa kanila, dahil nalalaman mo na rebelde silang mamamayan.”
10 Sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, makinig kang mabuti at isapuso ang lahat ng sinasabi ko sa iyo.
11 Puntahan mo ang mga kababayan mo na kasama mong binihag at sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios,’ makinig man sila o hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”
12 Pagkatapos, binuhat ako ng Espiritu at may narinig akong tinig na dumadagundong sa likuran ko na nagsasabi, “Purihin ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa langit.”
13 At narinig ko rin ang pagaspas ng mga pakpak ng apat na buhay na nilalang at ang ingay ng mga gulong na parang ingay ng malakas na lindol.
14 Binuhat ako ng Espiritu at dinala sa malayo. Masamang masama ang loob ko at galit na galit, pero tinulungan akong magtimpi ng Panginoon.
15 Nakarating ako sa Tel Abib, sa tabi ng Ilog ng Kebar, sa tinitirhan ng mga bihag. Nanatili ako roon sa loob ng pitong araw. Nabigla ako sa mga bagay na nakita ko.
16 Pagkatapos ng pitong araw, sinabi sa akin ng Panginoon,
17 “Anak ng tao, ginawa kitang bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya ang anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila.
18 Kapag sinabi kong mamamatay ang taong masama, pero hindi mo siya binalaan o pinagsabihang lumayo sa kasamaan para maligtas, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan at pananagutan mo sa akin ang kamatayan niya.
19 Pero kung pinagsabihan mo siya at hindi siya lumayo sa kasamaan, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan, pero wala kang pananagutan sa akin.
20 Kapag ang taong matuwid ay tumalikod sa kanyang pagiging matuwid at hahayaan ko siya sa ganoong kalagayan, mamamatay siya. Kung hindi mo siya pinagsabihan, mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan at hindi ko aalalahanin ang kanyang mabubuting gawa. Pero pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan.
21 Ngunit kung pinagsabihan mo siyang tumigil na sa pagkakasala at nakinig sa iyo, hindi siya mamamatay at wala kang pananagutan sa akin.”
22 Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at sinabi niya sa akin, “Tumayo kaʼt pumunta sa kapatagan, dahil may sasabihin ako sa iyo roon.”
23 Kaya pumunta agad ako sa kapatagan at nakita ko ang makapangyarihang presensya ng Panginoon katulad ng nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar at akoʼy nagpatirapa.
24 Pagkatapos, pinuspos ako ng Espiritu, pinatayo at sinabihan, “Umuwi ka at magkulong sa bahay mo!
25 Doon ay gagapusin ka ng lubid para hindi mo makasama ang mga kababayan mo.
26 Gagawin kitang pipi para hindi mo mapagsabihan ang mga rebeldeng mamamayang ito.
27 Pero sa oras na kausapin kita, makakapagsalita kang muli. At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios.’ May mga makikinig sa iyo pero mayroon ding hindi makikinig dahil mga rebelde silang mamamayan.”