1 Sinabi sa akin ng Panginoon,
2 “Anak ng tao, humarap ka sa lupain ng Magog at magsalita ka laban kay Gog na pinuno ng Meshec at Tubal.
3 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Gog, na pinuno ng Meshec at Tubal, kalaban kita.
4 Paiikutin kita at kakawitan ko ng kawil ang panga mo. Hihilahin kita kasama ang buong hukbo mo – ang iyong mga kabayo, armadong mangangabayo at ang napakarami mong sundalo na may malalaki at maliliit na kalasag at may mga espada.
5 Sasama sa kanila ang mga sundalo ng Persia, Etiopia at Libya na may mga kalasag at helmet,
6 kasama rin ang Gomer at Bet Togarma sa hilaga at ang lahat ng sundalo nila. Maraming bansa ang sasama sa iyo.
7 “Maghanda ka at ang lahat ng sundalo mo. Pamunuan mo sila sa pakikipagdigma.
8 Sapagkat darating ang araw na uutusan ko kayong salakayin ang Israel, na sa mahabang panahon ay naging mapanglaw dahil nawasak sa digmaan. Pero muli itong itinayo, at nakabalik na ang mga mamamayan nito mula sa mga bansa at namumuhay na nang payapa.
9 Ikaw at ang mga sundalo mo at ang sundalo ng mga kasama mong bansa ay sasalakay sa Israel na parang bagyo, at paliligiran ninyo ito na parang pinaligiran ng ulap.”
10 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sa panahong iyon, magbabalak ka ng masama.
11 Sasabihin mong, ‘Sasalakayin ko ang Israel na ang mga bayan ay walang pader, pintuan o harang at ang mga mamamayan ay payapang namumuhay at walang kinatatakutang panganib.
12 Sasamsamin ko ang mga ari-arian ng mga lungsod na ito na dating mapanglaw, ngunit ngayon ay puno na ng tao mula sa ibaʼt ibang bansa. Marami ang hayop nila at ari-arian, at itinuturing nila na pinakapangunahing bansa sa daigdig ang bansa nila.’
13 “Pero sasabihin sa iyo ng mga taga-Sheba at Dedan, at ng mga mangangalakal sa mga bayan ng Tarshish, ‘Tinipon mo ba ang iyong mga sundalo para samsamin ang mga pilak at ginto ng mga taga-Israel? Sasamsamin mo rin ba ang kanilang mga hayop at ari-arian?’
14 “Kaya, anak ng tao, sabihin mo kay Gog na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sa araw na iyon na namumuhay na nang tahimik ang mga mamamayan kong Israelita, malalaman mo iyon.
15 Sasalakayin mo sila mula sa kinalalagyan mong malayong lugar sa hilaga kasama ang iyong marami at malalakas na mga sundalo na nakasakay sa kabayo.
16 Sasalakayin mo ang mga mamamayan kong Israelita na parang ulap na nakapaligid sa kanila. Gog, ipasasalakay ko sa iyo ang aking lupain sa hinaharap. At sa pamamagitan mo ay maipapakita ko sa mga bansa ang aking kabanalan. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
17 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Noong unang panahon, sinabi ko sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta ng Israel, na sa mga huling araw ay may sasalakay sa Israel. At ikaw ang tinutukoy ko noon.
18 Ngunit Gog, sa araw na iyon ay ito ang mangyayari sa iyo: Kapag sinalakay mo na ang Israel, labis akong magagalit. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
19 At sa tindi ng galit ko, isinusumpa kong yayanigin ko nang malakas na lindol ang lupain ng Israel.
20 Ang lahat ng tao at lahat ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang at nasa tubig ay manginginig sa takot sa akin. Guguho ang mga bundok at burol, at mawawasak ang mga pader.
21 At ikaw, Gog ay ipapapatay ko roon sa aking mga bundok, at ang mga sundalo mo ay magpapatayan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
22 Parurusahan kita at ang mga sundalo mo, pati ang mga bansang kasama mo. Parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng salot at magpapatayan kayo sa isaʼt isa. Pauulanan ko kayo ng yelong parang bato at ng nagniningas na asupre.
23 Sa ganitong paraan ipapakita ko ang aking kapangyarihan at kabanalan sa lahat ng bansa. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”