1 Sinabi ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bundok ng Israel. Sabihin mo sa kanila, ‘O mga bundok ng Israel, makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon.
2 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: Sinabi ng mga kalaban ninyo na sa kanila na ang mga bundok ninyo.’
3 “Kaya anak ng tao, sabihin mo sa mga bundok ng Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sinalakay kayo ng mga bansa mula sa ibaʼt ibang dako at sila ngayon ang nagmamay-ari sa inyo. Kinutya nila kayo at inilagay sa kahihiyan.
4-5 Kaya kayong mga bundok, burol, mga daluyan ng tubig, lambak, mga gibang lugar at mapanglaw na bayan na sinalakay at kinutya ng mga bansa sa palibot ninyo, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, lubha akong nagagalit sa mga bansang iyon, lalung-lalo na sa Edom. Sinakop nila ang aking lupain nang may katuwaan at pangungutya, dahil talagang gusto nilang mapunta sa kanila ang mga pastulan nito.
6 “Kaya anak ng tao, magsalita ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, daluyan ng tubig at lambak, na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Tiniis ninyo ang pangungutya ng mga bansa sa palibot ninyo. Kaya dahil sa matindi kong galit,
7 ako, ang Panginoong Dios ay sumusumpang mapapahiya rin ang mga bansang iyon.
8 Ngunit kayong mga bundok ng Israel, tutubuan kayo ng mga punongkahoy na mamumunga para sa mga mamamayan kong Israel, dahil malapit na silang umuwi.
9 Makinig kayo! Aalagaan ko kayo. Bubungkalin at tataniman ko ang mga lupa ninyo.
10 Pararamihin ko kayo, kayong mga mamamayan ng Israel. Muling itatayo at titirhan ang mga nawasak ninyong mga bayan.
11 Pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa inyo. Patitirahin ko silang muli sa lupain ninyo katulad noon at pauunlarin ko kayo ng higit pa kaysa sa dati, at malalaman ninyong ako ang Panginoon.
12 Ibabalik ko ang mga mamamayan kong Israel sa inyo. Sila ang magmamay-ari sa inyo, at hindi nʼyo na muling kukunin ang mga anak nila.”
13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sinasabi ng mga tao sa inyo na nilalapa ninyo ang inyong mga mamamayan at inuulila ninyo sa kabataan ang inyong bansa.
14 Pero mula ngayon, hindi na ninyo lalapain ang inyong mga mamamayan at hindi na ninyo uulilain sa kabataan ang inyong bansa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
15 Hindi ko na papayagang kutyain o hiyain kayo ng ibang mga bansa. At hindi ko na rin papayagang mawasak ang bansa ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
16 Sinabi pa ng Panginoon sa akin,
17 “Anak ng tao, noong ang mga Israelita ay nakatira pa sa lupain nila, dinungisan nila ito sa pamamagitan ng masasama nilang ugali at pamumuhay. Sa aking paningin, ang kanilang uri ng pamumuhay ay kasindumi ng babaeng may buwanang dalaw.
18 Kaya ibinuhos ko sa kanila ang galit ko, dahil sa mga pagpatay nila roon sa lupain ng Israel, at dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan na siyang nagparumi sa lupaing ito.
19 Pinangalat ko sila sa ibang mga bansa. Ginawa ko sa kanila ang nararapat ayon sa mga ugali at pamumuhay nila.
20 At kahit saanmang bansa sila pumunta ay ipinapahiya nila ang banal kong pangalan. Sapagkat sinasabi ng mga tao, ‘Sila ang mga mamamayan ng Panginoon, pero pinaalis niya sila sa kanilang lupain.’
21 Nag-alala ako sa aking banal na pangalan na inilagay ng mga mamamayan ng Israel sa kahihiyan saang bansa man sila pumunta.
22 Kaya sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ako ang nagsasabi, ‘O mga mamamayan ng Israel, pinababalik ko na kayo sa lupain ninyo, hindi dahil karapat-dapat kayong pabalikin, kundi dahil sa banal kong pangalan na nilalapastangan dahil sa inyo, saan mang bansa kayo mapunta.
23 Ipapakita ko ang kabanalan ng marangal kong pangalan sa mga bansa kung saan nilapastangan ninyo ito. At malalaman ng mga bansang iyon na ako ang Panginoon kapag ipinakita ko sa kanila ang aking kabanalan sa pamamagitan ng gagawin ko sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
24 Sapagkat kukunin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at pababalikin ko kayo sa sarili ninyong lupain.
25 Wiwisikan ko kayo ng malinis na tubig nang maging malinis kayo sa lahat ng karumihan ninyo at hindi na kayo sasamba sa mga dios-diosan.
26 Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. At ang matitigas ninyong puso ay magiging pusong masunurin.
27 Ibibigay ko rin sa inyo ang aking Espiritu para maingat ninyong masunod ang mga utos koʼt mga tuntunin.
28 Titira kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Magiging mga mamamayan ko kayo at magiging Dios ninyo ako.
29 Lilinisin ko kayo sa lahat ng karumihan ninyo. Bibigyan ko kayo ng napakaraming butil at hindi na kayo magugutom.
30 Pagbubungahin ko ng marami ang mga punongkahoy ninyo at pasasaganain ang mga ani ninyo para hindi na kayo hamakin ng mga taga-ibang bansa dahil sa dinanas ninyong gutom.
31 At maaalala ninyo ang inyong masasamang ugali at pamumuhay. Kasusuklaman ninyo ang inyong mga sarili dahil sa inyong mga kasalanan at kasuklam-suklam na ginawa.
32 Ngunit mga mamamayan ng Israel, gusto kong malaman ninyo na ang lahat ng itoʼy ginagawa ko hindi dahil sa inyo. Dapat ninyong ikahiya ang masasama ninyong pag-uugali. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”
33 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag nalinis ko na kayo sa lahat ng kasalanan ninyo, patitirahin ko kayong muli sa lungsod ninyo, at muli ninyong itatayo ang mga bayan na nawasak.
34 Ang mga lupaing walang pakinabang noon ay bubungkalin na ngayon. At ang lahat ng makakakita nito
35 ay magsasabi, ‘Ang lupaing walang pakinabang noon, ngayon ay parang hardin na ng Eden. Ang mga lungsod na giba at mapanglaw noon, ngayon ay tinitirhan at napapaderan na.’
36 At malalaman ng mga bansang nakatira sa palibot ninyo na ako ang Panginoong nagtayo ng mga nawasak at nagtanim sa mga ilang na lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ito.”
37-38 Patuloy pang sinabi ng Panginoong Dios, “Pakikinggan kong muli ang mga kahilingan ng mga mamamayan ng Israel, at ito pa ang gagawin ko sa kanila. Pararamihin ko sila na kasindami ng mga tupa na inihahandog sa Jerusalem sa panahon ng pista. Kaya ang mga nawasak na lungsod ay titirhan na ng maraming tao. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”